Thursday, October 7, 2010

Usapang Pikon

Heto ang mga nakalap kong kwento sa lansangan, sa opisina, sa tambayan, sa kainan at kung saan-saan pa. Mga kwentong kanais-nais. Mga istoryang kahindik-hindik. At mga sabit na nangangalabit.

Ang unang bida. Ang kuya kong driver. Puti ang kotse niya. Pampasaherong sasakyan ang dala niya. Bibida si kuya sa mga kwento niya. Aaliwin ka sa mga kwentong kutsero niya. Ang hindi lang niya alam, nabasa ko na lahat yun sa internet. Kung di naman, narinig ko na rin sa iba pang mga kagaya niya. Pero ride lang. Kunwari bago yun sa pandinig ko. Nung malapit na ko bumaba, napansin ko na doble pala ang singil ng metro niya. At dahil sinabi ko yun sa kanya, nag-deny ang kuya ng bonggang-bongga. Kulang na lang na lumabas ang litid sa lalamunan niya. Sa bandang huli sabi ko na lang: "Yumaman ka sana, kuya!" Ayun sinara ko na parang may giyera ang pinto ng sasakyan niya. Tingnan ko lang kung hindi maapektuhan eardrums niya.

Sunod namang bida si ate tindera. Nakangiti si ate pag lapit ko. Tapos biglang sumimangot ng tinanong ko na. Aba, at itinuro niya saken ang brochure kung saan makikita ang presyo at iba pang detalye ng teleponong tinda niya, pagkatapos tinalikuran ako at nagpanggap na abala. Pilosopo pa naman ako. Kaya ayun sabi ko, "Ate, latest ang technology niyo ha! Akalain mo at nakakapagsalita na pala ang papel!" Mabuti na lang naisip ko na layasan agad siya.

Nakita niyo na ba ang mga ka-berks ko sa mga underpass ng Ayala? Madalas ako hinahabol ng mga iyon. At kung di alam ng mga tao sa paligid ko kung ano ang trabaho nila, malamang sa hindi paghihinalaan ako na isa akong masamang tao. Aba, kung makaharang at makahila akala mo pulis! Mabuti naman ang intensyon nila kaya mapapalampas ang ganoong ugali nila. Kaya lang nagulat ako nung minsan, yung isa sa mga ka-berks nila, hinarang ako. Sabi saken, "Are you Filipina?" Pabibo naman ako sa pagsagot. Sabi ko: "yes!" Akalain mo sabi sakin "Okey Mam. Tenk you!" Anak ng! May pre-requisite na pala ngayon para harangin nila.

Isa pang ate ang ikukuwento ko. Nakasakay ko siya sa loob ng tren. Dahil katapat ko siya at wala naman gaanong tao sa loob ng tren, di ko maiwasan na mapagmasdan ang kilos niya. Pa-text text lang siya nung una. At sa palagay ko nainip siya mag-reply ang kausap niya kaya siguro tinawagan na lang niya ito. Heto ang sabi: "Helo. Helo. O, natanggap mo ba text ko? Asan ka? Huh? Ano? Teka. Di kita marinig. Saan?" At paulit-ulit ang litanya niya. Di niya marinig ang kausap. Sumigaw na ng malakas si ate. Sigaw na halos lumabas na ang baga niya. Pero di siya marinig ng kausap niya. Kung di naman kasi kulang ang IQ ni ate. Bakit naman kasi sa loob ng tren niya naisip makipag-phone patch? Malamang sa ingay ng tren kahit ilabas niya pa diaphragm niya hindi siya maririnig ng kausap niya.

Nung minsang maligaw ang mga paa ko, naabutan ko na lang ang sarili ko sa loob ng isang malaking mall sa QC. Napadaan ako sa isang product demo. Wala masyadong tao sa paligid. Hindi naman kasi lahat ng tao mahilig sa mga digital kitchen appliances. Gusto ata makabenta ni mama. Hinarang ako at pinilit na huminto sa tapat ng produkto niya. Medyo di naman ako naaliw nung makita ko kung ano ang produkto niya. Pero mapilit ang mama. Hinabol at hinila ako! Hala, at magalang pala ang mamang ito! Medyo umakyat ang dugo sa ulo ko at kulang na lang kagatin ko ang kamay ni mamang tindero. Sa sobrang pagka-pikon ko, ganito ang naging takbo ng usapan namin:

MAMA: Ma'am sandali lang po. Tingnan niyo po muna ito. Nakakita na po ba kayo nito? (Hmmm.. challenging ha...)
AKO: Oo.
MAMA: Saan po?
AKO: Dito. Ayan o, tinitinda mo!

Napahiya ang mama. Di na ko hinabol nung tinalikuran ko. Wehehe

Monday, September 27, 2010

Natrapik

Medyo natagalan lang ako. Nahirapan kasi ako makasakay. Wala kasing masakyan. Patuloy kasi ang pagbuhos ng ulan. Nagbaha tuloy sa mga lansangan. Wala kasing maayos na nagtata-trapiko sa daan. Akala ko kasi kakampi ko si haring araw. Hindi ko tuloy napaghandaan ang lupit ng pagtila ng ulan.

Ngunit lahat kagaya ng unos na dulot ng bagyo ay sisibol muli ang bahag-hari. Hindi palaging madilim ang kalangitan. Sapagkat sa bawat pagdilim, palaging sisikat ang araw. Medyo hindi ko kasi nakita ang tamang daan.

Tapos na ang lahat ng ito. Makakatingin na ulit ako ng taas-noo. Mas matatag na ulit ako. Makakasulat na ulit ako.

Sunday, September 26, 2010

Sa Likod ng Tabing

Tuwing nakakapanood ako ng pagtatanghal sa entablado, palagi ko hinahangaan ang mga aktor na bukod-tangi ang talento sa pag-arte. Kasi naman pambihira ang kanilang kakayanan. At sa bawat dula na kanilang itatanghal hindi nauubos ang enerhiya at husay nila. Ano pa't talagang mahusay din ang direktor at napili nila ang tamang taong gaganap sa bawat role ng kanilang istorya.

Pero alam niyo ba na ang tunay na bida ng mga dulang ito ay hindi  ang direktor o mga artista? Ang tunay na bida ay iyong mga munting diwa na nasa likod ng mga produksyong iyon. Ang husay ng mga istorya ay nagmumula sa isa o dalawang nilalang na umisip at nagsulat nito. Ang ganda ng entablado, ganda ng mga costume at ang husay ng mga ilaw ay angkin ng mga nilalang na nagkabit o nag-ayos nito.

Ngunit, ano man ang kanilang naging papel sa produksyon na ito, hindi ito makikita ng nakararami. Dahil ang hindi lumabas sa pagtatanghal ay sa papel lang nakikita. At ang papel na pinagsulatan ng pangalan nila ay malulukot, maluluma at itatapon na. Ganun yata talaga ang papel ng mga nilalang na nasa likod ng mga kurtina. Alam ng lahat na nasa likod sila ng kurtina ngunit hindi lahat mapapansin ang kanilang presensiya.

Parang love triangle ng isang telenobela. Mahal ng isang aktor ang bida kaya lang naisulat na sa script na iba ang totoong mamahalin ng bida. Sa huli magmamasid na lang siya. Makukuntento kung hanggang saan ang itatagal ng pelikula. Ganun din naman sa isang trabaho. Ikaw ay bahagi ng isang grupo. Gagawin mo ang lahat para maging angat sa iba ngunit sa lider ng grupo mapupunta ang credit. Parang sa isang pamilya, ikaw ang nagbigay ng lahat ng bagay ngunit mas mapapansin pa din ang black sheep  ng pamilya. At ganun din sa tunay na buhay, ikaw ang naghirap ngunit may ibang makikinabang at magpapakasarap.



Monday, September 13, 2010

Pers Taym


Itinigil ko na ang ideya ng handaan o selebrayon ng kaarawan ko magmula nung tumungtong ako sa legal na edad. At mula noon, gusto ko ng taimtim, mapayapa at tahimik na kaarawan. Pero ngayon iba ang nakatala sa script ng buhay ko. Sa script na ito, hindi ako ang kontrabida. Hahahaha.

Sa walong taon ko ng paghahanap-buhay, ngayon lang ako nagtrabaho sa araw ng kapanganakan ko. Palagi ko kasing pinapaglaanan ng araw ng pahinga ang bertday ko. Aaminin ko na ito ang pinakamasakit na bahagi ng aking kaarawan. Kahindik-hindik kasi Lunes pa tumapat ang Setyembre 13. Pero magsisinungaling naman ako kung sasabihin ko na pinagsisihan kong ganito ang naging kaganapan. Hindi naman ako artista, ano. Wehehehe.

Salamat sa buong PCS at hindi madugong pagpapaliwanag ang kailangan para sa resulta ng nakaraang linggo. Pasado kasi kami kaya ang dating 1 oras na talakayan, 10 minuto lang ang kinahinatnan. Salamat sa mga agents ko at ang malamlam na umaga ay naging maliwanag.  Hindi ko talaga inakala na bibigyan niyo ako ng regalo. Salamat sa cake, maraming nabusog. Dahil diyan, babawasan ko ng sampung minuto ang sermon ko. At dahil birthday ko, marami akong nauto na mag-OT.  Bwahahahaha!

Salamat din sa mga bumati. Ang mga simpleng pagbati ay lubos na nakapag-pangiti sa akin. Nakalahati ang charge ng phone ko dahil sa dami ng nag-text. Napatunayan ko na hindi lang pala magastos magmahal, mas magastos ang tumangap nito. Kasi lahat ng bumati sa akin sa text, ni-replyan ko. Naubos tuloy load ko! Ngayon ko naisip na sana nagpadala na lang kayo ng materyal na bagay.  Hindi bale, tumatanggap pa naman ako ng regalo kahit huli na. Hehehehehe.

Salamat din sa pari ng simbahan, naalala ko ipagdasal ang ibang tao sa araw ng kaarawan ko. Salamat sa inyo sa sobrang saya ko, ngayon lang ko sumulat ng blog na may tawa lahat ng talata. Hihihihi.



Friday, August 27, 2010

Basta Ayoko

Sa kahit anong paraan at kahit anong dahilan -- ayoko ng sorpresa! Ewan ko ba. Pakiramdam ko kasi ang sorpresa ay kumikitil sa pagkakataon ng isang tao para maging handa sa isang bagay o pangyayari. Hindi naman ako KJ (kill joy).  Sa katunayan, makailang ulit na rin akong nagbigay ng sorpresa sa ilang kaibigan sa tulong na rin ng iba ko pang kaibigan. Kaya lang ayoko talaga masorpresa. 

Ayoko ng ideya na magugulat dahil hindi ako nakapaghanda para sa isang bagay. Ibig sabihin noon, hindi ko naibigay ang 100% bahagi ng sarili ko. Ayoko din na makita ng ibang tao ang mga "spur of the moments reaction" ko. Hindi ako handang maging mahina sa harap ng iba. At hindi rin ako handa ipakita ang mga pagkakamaling tatatak ng matagal sa isip ng iba. Ganito ako. 






Saturday, August 14, 2010

Senti Lang

Napakabilis ng panahon. Sa bilang ko, walong taon na pala akong naghahanap-buhay. Isang mapait na katotohanan pero napakatamis din naman (lalo na kapag suweldo). At sino ba makakaisip na pagkatapos ng apat na taon ng paghihirap sa kolehiyo ay heto't sa call center ako nagta-trabaho. Walong taon ko na din ipinapamigay ang aking talento sa isang banyagang kumpanya na nakatayo dito sa Pilipinas.

Sinong mag-aakala na kahit isang maayos na kurso ang natapos ko, babagsak pa din ako sa pagiging isang call center agent. Hindi ko sinasabing mababang uri ang mga nasa call center. Dahil hindi naman ako isang ordinaryong mag-aaral nung ako ay isang estudyante pa lang (may halong yabang ito). Ang totoo niyan hindi madaling pumasok sa isang call center --- naghahanap kasi ang mga ito ng mga taong may utak, may dila at di natatakot ipahayag ito bukod pa sa kailangan uto-uto ka din para matagalan ang sistema at pamamalakad nila.

Mahal ko ang trabaho ko at hindi ko kinukwestyon ang propesyon na pinili ko para bumuhay sa akin sa nakalipas na mga taon. Sa totoo lang nanghihinayang ako. Naburo kasi ako ng walong taon na hindi ko man lamang nagamit ang pinag-aralan ko. Hindi ko tuloy maiwasan suriin kung tama ba ang naging desisyon ko.

Nung nasa kolehiyo pa ako, pinangarap ko talaga maging isang abogado. At pangarap ko pa din yun ngayon (hanggan pangarap na nga lang). Gusto ko talagang maging de-kampanilya ako. Kaya nga nung di ko yun magawa, sinubukan ko din pumasok sa Graduate Studies. Siyempre dahil nagta-trabaho ako, hindi ko din napanindigan.

Nakakalungkot isipin na sa dami ng mga trabahong inalok ng pamahalaan sa mga nagsipagtapos ng kolehiyo, karamihan dito ay trabaho sa call center. Ibig sabihin, madalas sa hindi na hindi ito aakma sa kursong tinapos ng isang estudyante.  Nakapanindig balahibo lang at tila walang pakialam ang mga tao sa gobyerno magkaganun man. Wala sinuman ang may karapatan umangal dahil kapalit nito ay ang pagkain na ihahain mo sa hapag-kainan.

Ngayong nagtatrabaho pa din ako sa isang call center, palagi kong iniisip kung naging makaturangan ba ako sa sarili ko na gawin ito. Madalas ko din itanong kung hanggang kailan ako tatagal gawin ang mga bagay na ayaw ko gawin? Ano na kayang mangyayari sakin kung susubukan ko umalis sa ganitong uri ng propesyon?

Nakakapagod lang. Nakakasawa.





Friday, July 30, 2010

Daan

May pinagdadaanan ako! Kalye, kalsada, overpass, underpass highway, walkway, atbp. Lahat yan pinagdadaanan ko pauwi ng bahay. At parang na-master ko na nga ang hitsura pati sukat nila. Sa gawing kaliwa may lamat, sa bandang kanan may bako at sa gitna nagbubuhol ang trapiko. Trapikong nagdadala ng peste sa araw-araw na biyahe ko.

Sa kalye makikita ang mga bubuyog ng bayan. Bubuyog na lalong nagpapatingkad sa sikat ng araw. Init ang hatid ng mga dilang malupit. At hagupit ang hampas ng dilang walang patid.Wala namang bulaklak pero lahat ng bubuyog ay nagkalat.

Kalsada ang paraiso ng mga langgam ng lansangan. Hindi nauubos sa paglakad at pilit na nilalakad patawid ang buhay. Paulit-ulit. Pabalik-balik. Walang sawa at tila walang kapaguran. Maipagmamalaki ko, isa ako sa mga langgam na ito.

Sa mga overpass at underpass masasalamin ang kahirapan ng lipunan. Mga kaluluwang nakahandusay sa daanan. Walang masilungan. Walang laman ang tiyan. Mga munting nilalang na kuntento na sa mga baryang ihuhulog sa mga latang lalagyan.

Ang mga walkway ay pulungan ng komedya ng bayan. Tambayan ng mga gong na walang kahulugan. Pulungan ng mga nilalang na ang alam lang ay huwad na kagandahan.

Highway. Paborito kong daanan. Salamin ito ng buhay na walang pag-unlad. Na datapwa't maraming buwis na nasisingil, patuloy pa rin itong naghihirap. Samu't-sari ang taong walang disiplina sa trapiko. At sinasabayan pa ito ng mga pulis/MMDA na walang modo. Idagdag mo pa dito ang mga u-turn na walang silbi, mga traffic signs na walang tulong sa pag-gaan ng daloy ng trapiko at mga batas na dagdag sakit ulo.

Bakit ba kailangan daanan pa ang mga ito. Bakit di na lang lumipad ang tao? Bakit di ko kayang mag-teleport kagaya ni Son Goku. Bakit walang time space warp tulad ng kay Lay-Ar at Shaider.

Habang kailangan ng walkway, highway, passageway, passersby at passenger kailangan ko na lang magtiis na pagdaanan ko ito.