Sa unang bersyon ng blog na ito, nailarawan ko na ang tindi ng hirap ng pagbibilang ng tupa kapag hindi makatulog. Ito ang dahilan kaya binilang ko ang pigsa ng kapitbahay namin. Kaya lang lumipat na siya at wala na akong mapagbalingan. Balik tupa na tuloy ako.
Nung minsang di na naman ako makatulog, nagbilang na nga ako ng tupa. Tupa sa Facebook. Malaking bagay talaga ang nagagawa ng teknolohiya. Nagagawa nitong posible ang imposible. Kaya mga friends, padalhan niyo ko ng maraming animals sa Farmville at Farm Town ha. Wag lang yung baby elephant, masyado kasing malaki. Naalala ko tuloy yung katawan ko palagi.
Sa mga nagdaang araw, maswerte na ko kung makatulog ako ng 5 oras. Ewan ko ba, habang tumatagal lalong lumalala ang insomnia ko. At sa palagay ko malaking dahilan nito ay ang pagsulat ko ng blog na Tulog Ka Na Ba? Dahil dito, yung mga dating gimik ko di na epektib. Wala na tuloy ako mabiktima! Siyet! Bukod pa dito, talagang impluwensya sa’kin ang Facebook. Kung bakit naman kasi inimbento nila ang samu’t-saring application dito. Kulang tuloy ang 24 hours para masagot ang lahat. Tsk... tsk... tsk.
Nararamdaman ko na talaga ang epekto ng laging kulang sa tulog. Nung minsang lumabas kami ng mga kaibigan ko, napansin nila na may dumi daw sa ilalim ng mata ko. Pinunasan pa nila. Ayaw matanggal. Shet! Eyebag kaya yun, mukha lang uling na pinahid! Inisip ko tuloy, concern lang ba yun o nilalait na ko? Pero okay na din yung maitim na eyebags. At least hindi ko na kailangan mag-make up. Kunwari na lang pankista ako. Di ba uso naman yun?
Ika nga ng mga matatanda, ang hindi pagkatulog sa gabi ay sanhi ng malalim na pag-iisip. E paano naman yung mga blangko ang pag-iisip sa kadahilanang wala itong laman? Hmmm... medyo mahirap din ito ha.
Sinasabi ng mga totoong eksperto na mabisa daw ang musika sa mga di makatulog. Ang naging problema ko lang ay ang pagpili ng musikang pakikinggan. At kagaya ng iba ko pang mga kaibigan, may nagsabi sa’kin na mainam daw pakinggan ang mga klasikong piyesa ni Beethoven o kaya nung kay Mozart. Sinunod ko naman ang payo niya. Nung umpisa talagang na-relaks ako. Parang hele na umiihip sa duyan. Talagang payapa sa damdamin. Ayan konti na lang at makakatulog na ko. Nakapikit na yung isang mata ko ng bigla na lang akong napabalikwas. Aba! At bakit tunog pang-ponebre pala ang mga ito?! Naririnig ko na ang mga tugtog na ito kapag may patay. Teka, teka. Nagpapaantok lang ako, hindi ko gusto pakinggan ang magiging tugtog sa araw ng libing ko! Utang na loob.
Di bale ng wag makatulog. Hayaan na natin ito.
No comments:
Post a Comment