Saturday, October 17, 2009

The Adventures of Ugok 4 and Kikoy Matsing

Noong araw, si Kikoy Matsing at si Ugok 4 ay matalik na magkaibigan. Sa di malamang kadahilanan, sila ay naging magkabigan. Wala naman kasi nakakapili ng kaibigan. Sino makakaisip na ang isang hayop at tao ay puwede rin pala maging isa sa puso. Kahit ayaw mo man sa isang tao, magigising ka na lang isang araw na magkasundo na pala kayo. At kahit anong sampal mo sa mukha mo, di ka na matatauhan dahil magkaibigan na kayo. Wala ka man choice masaya ka pa din. Pero lagi mo dapat alalahanin na kahit ipinagkakatiwala mo ang sarili mo sa iba, dapat mas mahal mo pa rin sarili mo. Baka sa dakong huli naging magkaibigan pala kayo dahil sa benepisyong kaugnay nito. Sa modernong salita, ang tawag dito user friendly.

Minsan sa pamamasyal ng magkaibigan ay nakakita sila ng puno ng saging. Sabi ni Kikoy: “Ugok 4, friends naman tayo, sakin na lang yung saging. Tutal naman matsing ako.” Tumawa ng malakas si Ugok 4 na animoy masisiraan na ng ulo. Hala tumawa pa ng tumawa labas na ang utak sa ngala-ngala. Ayun at hindi na siya makahinga, kailangan na ng Lifeline Arrows! Naglupasay na sa kakatawa. Biglang sagot: (Erap mode) “Walang kai-kaibigan. Walang kama-kamag-anak. Wag mo ako susubukan! E ano naman kung matsing ka, mukha naman akong matsing! Wahaha haha”

At duon na nagsimula ang pinakamalaking pagtatalo ng dalawa.

Dahil hindi sila magka-sundo, naisipan ni Kikoy Matsing na idaan na lang sa duwelo ang laban para sa puno. Ang magkamali ay siyang pipingutin ko! Ay hindi pala, pag nagkamali iikot ng 100 times habang nagpu-push up tapos magka-cartwheel ng paulit-ulit hanggang makarating sa Ali Mall (Visayan version ng Ale Mall. Ito ang bagong tayong mall sa lugar na di pa natatagpuan). Pagkatapos pararanasin ko ng Roller Coaster Ride na isa rin sa mga blog na isinulat ko.

Nagustuhan ni Ugok ang ideya kaya sumang-ayon siya. Parang Amazing Race to Death lang ito o kaya parang Beer Factor Challenge. Ek – say – ting!

Round 1: Sinubukan nila ang larong bato-bato pick. Heto ang pinaka-mabilis at pinaka-mabisang basehan ng lakas. Walang ekstra pawis na bubunuin. Kung baga, di na kailangan gamitan ng utak ang mga simpleng bagay. Pers time lang maglalaro ng bato-bato pick ni Ugok 4 kaya pinagbutihan niya ng husto ito. Hindi kasi naglalaro ng mga ganito ang taga-alta sociedad. Poor man’s game daw ito. Rich kid sya! Ang kanyang game plan: matalo si Kikoy sa loob ng 2 seconds. Agad niyang kinuha ang pinaka-malaking adobe sa kanto ng gubat sabay sigaw: “Bato! Batoooo!!!! Pick mo Kikoy!” Nagulantang si Kikoy sa ginawa ng kaibigan. Huli na para saluhin ang bato. Hindi niya mawari kung mag-a acrobatic siya o kaya naman mag-aala matrix moves o di kaya sisigaw ng darna para magkaron sya ng super powers. Hindi naman kasi siya si Ding para maging alisto sa mga bato. Sapul sa mukha niya. Five stars! Five stars ang nakita niya paiikot-ikot sa paningin niya. Panalo si Ugok 4 kay Kikoy Matsing. By Teknikal Nak Awt!

Round 2: Nang magkamalay na si Kikoy Matsing, tuloy na ang laban. Naisipan naman nila ang tagisan ng lakas. Tug of War na lang daw ang laban. Agad na kinuha ni Ugok 4 ang kanyang NSeries 955555000666 at nag-text. Ginamit niya ang Unlimited Textless power ng SunnySmart on Globe Network! Tatawag siya ng tulong sa mga kaibigan niya.

Samantala, naisip ni Kikoy Matsing na gumanti kay Ugok dahil sa nauna nilang laban. Ito na ang kanyang pagkakataon para maungusan ang kaibigan. Kapag nasaktan dapat lumaban. Nang makahanap na siya ng lubid, kumuha siya ng alkitran at ipinahid sa lubid. Iyon ang lubid na ipapahawak kay Ugok 4. Tingnan na lang niya kung manalo pa ito.

Nang makabalik si Kikoy Matsing nagulat siya sa kanyang nakita. Napupuguran na ng mga sanggano at barbaro ang lugar tagisan nila ni Ugok 4. Yun pala ang tinawag na tulong ni Ugok 4. Agad siya inatake ng mga ito. Binugbog siya ng husto at walang itinarang balat na walang latay. Tuwang-tuwa si Ugok 4! Panalo na naman siya! Ito ang bersyon niya ng Thug of War!

Hindi na inabutan pa ng ikatlong round si Kikoy. Black-out. Nagisnan niya ang sarili sa isang lugar na hindi pamilyar sa kanya. Puti ang paligid at sobrang tahimik. Agad niya hinanap si San Pedro. May babaeng nakaputi ang sumagot: “Wala si San Pedro, si Lucifer po ang kapalit niya.” Sampung ulit na nag-antanda ng krus si Kikoy! Aba at nasa impiyerno pala siya. Buti na lang nakita niya si Ugok 4 may yakap na puno ng saging. Sabi niya: “Lumabas lang si Dr. Lucy. Masakit ba?” sabay pinisil ng mahigpit ang namamaga at kulay talong niyang kamay.

Hindi na nakasigaw pa si Kikoy Matsing. Hinimatay na siya sa sakit. Napakamot lang ng ulo si Ugok 4 at nagtatakang nagtanong: “Anong nangyari?”


Moral Lesson: Tuso man daw ang matsing, siya ay matsing pa din. At dahil Ugok na tunay na maituturing, sa dakong dulo’y ugok pa din.

No comments:

Post a Comment