Babala: Ang mga salitang mababasa sa ibaba ay mga karunungang hindi dapat yakapin ninuman. Ito ay mga salitang orihinal ngunit kinopya lang ng may-akda. Obligasyon ng mga bumabasa na tumawa kahit corny ang istorya. Iba-ibang trip lang yan. Hindi ito puwedeng kopyahin. Gumawa ka ng sarili mong bersyon! Ang manggaya: sabog!
Absent – (abbb – sent) – ito ang pamosong bar sa Greenbelt 3. Kadalasan makikitang nakatambay dito ang gwapong si Borgy Manotoc. Sang-ayon sa bangaw na nakasabay ko sa bar na ito, bagay daw pumunta dito ang mga mahihilig sa dagat. Medyo matagal ko inisip kung bakit kasi hindi naman matubig ang lugar na iyon. Buti na lang isa pang bangaw ang nagsabing: “Techno daw kasi ang music dun.” Ayun saka ko naisip ang salitang techno-marine. Sabihin niyo nga, ako ba ang slow?!
Violait – (va-yo-leyt) – kulay na paborito ng mga taong may hilig kay Barney. Ito din ang kulay ng paborito kong ice cream: ube. Minsan ginamit din ang salitang ito ng galit na mamang pulis na nakatago sa ilalim ng Mantrade para ipaalam na may nalabag kang batas trapiko. Pahihintuin niya ang sasakyan mo sa gitna ng daan kung saan kukuyugin ka ng mga dyip kaya bababa ka na lang ng walang angal. Tapos hihingin niya ang lisensya mo. Makikita mo na lang nakasulat sa tiket na nag-violait ka pala ng trapik rules. Imbes magalit ka, tatawa ka na lang.
Shine – (shayn) – ang tawag sa mga paskil/poster na nakasabit o nakadikit sa mga poste o pader. Madalas ginagamit ito sa mga batas trapiko. Minsan nagawi ako sa QC, nagulat ako dahil lahat ng bangketa dun nakabalot ng peyborit color ni BF: pink. Sinubukan kong tumawid para makasakay. Nagulat ako ng malakasang hinila ako ni mamang MMDA pabalik sa pedestrian lane, sabay sigaw: “Bawal po tumawid dito, magbasa po kayo ng trapik shine!” Mabuti na lang magalang siya, napigilan ko ang pagtawa.
Red – (red) – Past tense ng salitang read. Galit na nakipagtalo pa sa’kin sa spelling yung yaya ng anak ng kaibigan ko nung minsang i-tama ko ang lesson nito. Kaya pala kumukuha ng tutor ang kaibigan ko. Mapanganib pala si yaya pag hindi binabara.
Fashion – (fasss-shyon) – ang ritwal na ginagawa tuwing Semana Santa. Si manang kasi, nagpapanggap na sosyal dahil nakapunta na ng states ang anak. Ayun naging komedya tuloy ang padasal.
Yellow – (ye-low) - Ito yung malamig na kinakayod na parang snow at ginagamit na pang-sangkap sa halo-halo. Sinagot ko ang tanong ng isang kaibigang nag-aaral mag-Tagalog kung ano ang translation ng ‘ice.’ Sinulat niya ito at ng aking basahin, ganito pala ang kanyang spelling.
Serious – (Sir–yus) – pangalan ng peyborit Harry Potter character ko: “Serious Black.” Mali ba spelling? Okay lang yun, uso naman yun e.
Fowcett – (fow–sett) – English translation ng gripo. Ganito kasi mag-pronounce kapag In-english ang Tagalog na paraan ng pagbabasa. Nung isang araw lang nanood ako ng dokyumentaryo ng mga abnormalidad ng tao. Isang doctor-psychologist ang nagbanggit ng fears ng tao. Nabanggit niya ang salitang ito. Sinubukan ko pang i-rewind. Tama nga ang dinig ko. Nawalan agad ng kredibilidad si Doc sa’kin. Mahirap na baka makakita pa ko ng praning, tapos hampasin ako ng tu-bow.
Trends – (thrends) – Subsection ng mall kung saan ka makakabili ng mga sinulid, karayom at kung anu-ano pang gamit na pantahi. Isang flyer ang nakapukaw ng atensyon ko. Ang nakalarawan: isang napakagandang hikaw at kumukinang na singsing ang diumanoy naka-sale. Dagdag pa sa flyer, sa trends section daw mabibili yun. Tinanong ko yung isang sales lady kung saan ang trends section. Pinuntahan ko sang-ayon sa kanyang direksyon. Anak ng pating! Sinulid ba bibilhin ko?
No comments:
Post a Comment