Friday, July 30, 2010

Daan

May pinagdadaanan ako! Kalye, kalsada, overpass, underpass highway, walkway, atbp. Lahat yan pinagdadaanan ko pauwi ng bahay. At parang na-master ko na nga ang hitsura pati sukat nila. Sa gawing kaliwa may lamat, sa bandang kanan may bako at sa gitna nagbubuhol ang trapiko. Trapikong nagdadala ng peste sa araw-araw na biyahe ko.

Sa kalye makikita ang mga bubuyog ng bayan. Bubuyog na lalong nagpapatingkad sa sikat ng araw. Init ang hatid ng mga dilang malupit. At hagupit ang hampas ng dilang walang patid.Wala namang bulaklak pero lahat ng bubuyog ay nagkalat.

Kalsada ang paraiso ng mga langgam ng lansangan. Hindi nauubos sa paglakad at pilit na nilalakad patawid ang buhay. Paulit-ulit. Pabalik-balik. Walang sawa at tila walang kapaguran. Maipagmamalaki ko, isa ako sa mga langgam na ito.

Sa mga overpass at underpass masasalamin ang kahirapan ng lipunan. Mga kaluluwang nakahandusay sa daanan. Walang masilungan. Walang laman ang tiyan. Mga munting nilalang na kuntento na sa mga baryang ihuhulog sa mga latang lalagyan.

Ang mga walkway ay pulungan ng komedya ng bayan. Tambayan ng mga gong na walang kahulugan. Pulungan ng mga nilalang na ang alam lang ay huwad na kagandahan.

Highway. Paborito kong daanan. Salamin ito ng buhay na walang pag-unlad. Na datapwa't maraming buwis na nasisingil, patuloy pa rin itong naghihirap. Samu't-sari ang taong walang disiplina sa trapiko. At sinasabayan pa ito ng mga pulis/MMDA na walang modo. Idagdag mo pa dito ang mga u-turn na walang silbi, mga traffic signs na walang tulong sa pag-gaan ng daloy ng trapiko at mga batas na dagdag sakit ulo.

Bakit ba kailangan daanan pa ang mga ito. Bakit di na lang lumipad ang tao? Bakit di ko kayang mag-teleport kagaya ni Son Goku. Bakit walang time space warp tulad ng kay Lay-Ar at Shaider.

Habang kailangan ng walkway, highway, passageway, passersby at passenger kailangan ko na lang magtiis na pagdaanan ko ito.

No comments:

Post a Comment