Saturday, August 14, 2010

Senti Lang

Napakabilis ng panahon. Sa bilang ko, walong taon na pala akong naghahanap-buhay. Isang mapait na katotohanan pero napakatamis din naman (lalo na kapag suweldo). At sino ba makakaisip na pagkatapos ng apat na taon ng paghihirap sa kolehiyo ay heto't sa call center ako nagta-trabaho. Walong taon ko na din ipinapamigay ang aking talento sa isang banyagang kumpanya na nakatayo dito sa Pilipinas.

Sinong mag-aakala na kahit isang maayos na kurso ang natapos ko, babagsak pa din ako sa pagiging isang call center agent. Hindi ko sinasabing mababang uri ang mga nasa call center. Dahil hindi naman ako isang ordinaryong mag-aaral nung ako ay isang estudyante pa lang (may halong yabang ito). Ang totoo niyan hindi madaling pumasok sa isang call center --- naghahanap kasi ang mga ito ng mga taong may utak, may dila at di natatakot ipahayag ito bukod pa sa kailangan uto-uto ka din para matagalan ang sistema at pamamalakad nila.

Mahal ko ang trabaho ko at hindi ko kinukwestyon ang propesyon na pinili ko para bumuhay sa akin sa nakalipas na mga taon. Sa totoo lang nanghihinayang ako. Naburo kasi ako ng walong taon na hindi ko man lamang nagamit ang pinag-aralan ko. Hindi ko tuloy maiwasan suriin kung tama ba ang naging desisyon ko.

Nung nasa kolehiyo pa ako, pinangarap ko talaga maging isang abogado. At pangarap ko pa din yun ngayon (hanggan pangarap na nga lang). Gusto ko talagang maging de-kampanilya ako. Kaya nga nung di ko yun magawa, sinubukan ko din pumasok sa Graduate Studies. Siyempre dahil nagta-trabaho ako, hindi ko din napanindigan.

Nakakalungkot isipin na sa dami ng mga trabahong inalok ng pamahalaan sa mga nagsipagtapos ng kolehiyo, karamihan dito ay trabaho sa call center. Ibig sabihin, madalas sa hindi na hindi ito aakma sa kursong tinapos ng isang estudyante.  Nakapanindig balahibo lang at tila walang pakialam ang mga tao sa gobyerno magkaganun man. Wala sinuman ang may karapatan umangal dahil kapalit nito ay ang pagkain na ihahain mo sa hapag-kainan.

Ngayong nagtatrabaho pa din ako sa isang call center, palagi kong iniisip kung naging makaturangan ba ako sa sarili ko na gawin ito. Madalas ko din itanong kung hanggang kailan ako tatagal gawin ang mga bagay na ayaw ko gawin? Ano na kayang mangyayari sakin kung susubukan ko umalis sa ganitong uri ng propesyon?

Nakakapagod lang. Nakakasawa.





No comments:

Post a Comment