Mapalad ako. Inabutan ko ang talumpati ng kauna-unahan pangulo na pinagkakatiwalaan ko --- sa ngayon. Dati rati, binabasa ko lang sa mga dyaryo ang talumpati ng mga nagdaang pangulo. Ngayon, masaya ako at narinig ko ng buong-buo mula sa pinakamataas na pinuno ng bansa ang kanyang unang SONA.
Simple. Diretso. Makatotohanan. Yun ang mga salitang ginamit ni P-Noy. Hindi mabulaklak gaya ng karaniwan. Hindi nangako. Hindi nagmayabang. At narinig ko ang dapat kong marinig mula sa kanya.
Hindi lahat sinaklawan ng kanyang talumpati. At iyon ang nagustuhan ko. Natuwa ako at hindi siya naglista ng mga bagay na gagawin niya. Ibig sabihin, nabitin ako at ang madlang Pilipino. Marami pa akong dapat asahan at hilingin sa kanya. Mabuti na din iyon. Hindi siya nagbigay ng mga pangakong ipapako niya sa bandang huli. Samakatwid, binuksan niya ang pinto ng transparency on governance. At sisiguruhin kong magiging bukas ang mata ko sa mga bagay na iyan.
Kooperasyon. Yan ang maliwanag na narinig ko mula sa kanya. Humihingi at humihiling siya nito. At di man niya sinabi, alam kong ibibigay niya rin ito sa mamamayang Pilipino. Kooperasyon upang isulong ang kanyang plataporma. At kooperasyon para maghintay ang madla ng ginhawa sa buhay.
Matalim na pananalita. Maanghang na pagbabanta. Hihilingin ko lang na maging matatag siya. Pag-asa. At sana hindi dahil lang nagpapa-bibo siya.
No comments:
Post a Comment