Walang permanente sa mundo kungdi ang salitang pagbabago. Araw-araw nagbabago ang buhay natin. At araw-araw may pagbabago. Hindi ka nabubuhay para manatiling estatwa lang. At kahit tambay ka pa tiyak kong nagbabago ka din. Lahat nagbabago. Lahat.
Halimbawa, pagbabago ng araw: ngayon ay Miyerkules bukas Huwebes. Pagbabago ng edad: ngayon 27 na ako; next year 28 na. Ngayon lalaki yung crush mo, bukas bading na siya at mas mukhang babae pa sa'yo. Ngayon busog ka, mamaya gutom ka na. Ngayon may pera ka pa, bukas gusto mo sweldo na. Ngayon presidente si Gloria, sa 2010 congresswoman na siya!
Madaming uri ng pagbabago. May mga pagbabagong dumadating na parang hangin lang. Ibig sabihin, hindi napapansin at biglang nawawala na lang. Meron din naman parang bagyo; dadaan para sirain ang buhay mo. May mga pagbabagong parang tubig: patuloy ang pag-daloy at hindi tumitigil. May parang apoy; masakit at nag-iiwan pa ng lamat. Meron din pagbabagong akala mo para sa'yo pero napupunta sa kamay ng iba. At may mga pagbabagong ayaw mo pero kailangan mo.
Hindi lahat ng pagbabago ay madaling yakapin o tanggapin. Hindi naman kasi lahat ng pagbabago ay kakikitaan ng kabutihan sa unang beses na makasalubong mo ito. Madalas kasi nakabalot ito ng mga salitang negatibo tapos ireregalo sa'yo. Dahil dito, hindi lahat matapang na harapin ito. At hindi lahat bukas palad sa pagbabago.
Pero mapipigil mo ba ito sa pagdating sa buhay mo? Masasabi mo ba sa petsa na huminto siya dahil ayaw mo pang tumanda? Mapipigil mo ba ang araw sa pagsikat dahil lang ayaw mo pa bumangon sa kama? Makakaiwas ka ba sa panahon gayong ang lahat ng ito ay mga pangyayaring itinakda na ng kapalaran? Mapipigil mo ba si Gloria sa pagtakbo sa pulitika e sa talagang sakim siya?
Sa totoo lang hindi naman talaga mahirap yakapin ang pagbabago. Nagiging mahirap lang siya dahil ayaw natin baguhin ang mga bagay na nakasanayan na. Ayaw natin magbago dahil ayaw natin mahirapan ulit. Ayaw natin tanggapin na magiging mas maginhawa lang ang buhay natin kung dadaan tayo sa panibagong sakripisyo at paghihirap. Bakit meron bang umaakyat agad na hindi lumibot para humanap ng hagdan pataas?
Ayaw man natin tanggapin, mahirap man unawain, masaklap man isipin, parte ng buhay ang pagbabago. Ganun lang yun. Pag tinanggihan mo ang pagbabago, tinanggihan mo na din ang mabuhay sa mundo.
No comments:
Post a Comment