Inilalaaan ko ang araw ng Sabado para sa aking sarili. Tinatawag ko ang mga ganitong pagkakaton na "Apple Time." Kasi naman kahit na ordinaryo na sa paningin at panlasa natin ang mansanas, hindi naman karaniwan itong nagiging bida sa hapag-kainan. Parang ako. Madalas man ako umalis ng bahay, hindi ko naman nabibigyan ng importansya ang sarili ko.
Pero parang delubyo lang, ang karaniwang Sabado ko ay pinalitan ng komedya sa lansangan. Ang kapayapaan ng aking Apple Time ay biglang humingi ng break time. Yun pala ang hudyat na malapit na ang birthday ni Bro.
Ang dating payapang simbahan dinayo bigla ng masang Pilipino na parang park lang. (Dami kasi nagpapabinyag). Ang mga library, ginawang coffee shop ng mga estudyante at ang topic ng discussion: facebook gifts! Ang mga mall, parang palaging may riot kasi hindi mo na malalaman ang pagkakaiba ng Glorietta sa Divisoria. Ang mga parking lot, akala mo may showroom sa dami ng nakaparadang sasakyan. Ang mga resto parang box office na din sa haba ng waiting line. At ang pinakamatindi: yung dating 400 na t-shirt sa department store, Php650 na ngayon! Shet!
Kung susumahin, ang mga ganitong pangyayari ay isang himala ni Kristo. Kasi naman sa 365 na araw sa isang taon, may isang buong buwan siyang inilaan para isabog ang pag-ibig niya sa sangkatauhan. Isang buwan na triple ang pagpapala.
Kaya sa bawat regalong bubuksan natin ngayong taon, bukod sa laman, isipin natin ang mga malikhaing kamay na bumalot nun. Kung wala kang matanggap na regalo, ikaw ang magbigay! Wag ka mag-hintay! Sa bawat pagbating matatanggap sa text man o greeting card, alalahanin ang mga taong nagdugo ang ilong makaisip lang ng Christmas greeting sa wikang Ingles. Sa bawat pagkain na nakalaan sa hapag-kainan ay ang mga pusong inilaan sa pagkain na iyong titikman. Sa bawat namamasko at kumakatok sa ating mga pintuan ay ang pag-asang makapag-hatid at magbigay sa iba pang nangangailangan ng pagmamahal. At sa bawat magandang kaganapan ay ang kagalakan ng pasasalamat sa poon nating Maykapal.
Kaya ang Paskong ito ay espesyal. At ang bawat isa sa atin ay espesyal. Syempre naman, espesyal din ang lumikha sa atin e.
Maligayang Pasko. Mula sa aking puso papunta sa inyong lahat.
Happy Birthday, Jesus!
No comments:
Post a Comment