Aminin mo man sa hindi, tuwing nasasaktan ka, maliban sa pag-iyak at pag-aray ginagawa mo gumanti. Wag ka magpanggap. Minsan pa nga doble ang sakit na ibinabalik mo sa nakasakit sa’yo. Kung minsan naman, hindi ka man pisikal na nakaganti, sa likod ng iyong utak (kung meron man) ay ang mga mala-monyito mong plano ng pagganti.
Halimbawa na lang nung inasar ka ng kaibigan mo, tumawa ka ng malakas pero hinampas-biro mo siya ng pagkalakas-lakas na parang mababali na ang mga buto niya. Kunwari natutuwa o natatawa ka. Pero ang totoo, gusto mo lang naman makaganti sa maliit na paraan. O kaya naman nung minsang mapadaan sa harap mo yung kapitbahay mo nagpatay malisya ka na lang nung sinadya mong patidin siya. Di mo kasi lubos maisip na siya ang nakuhang muse sa liga ng baranggay imbis ikaw sa kabila ng pagiging maskulada at mukhang lalaki niya. Inisip mo kung masisira ang delapida niyang mukha matatanggal na siya sa paningin mo ng ilang linggo. Kaya lang malaki mag-bigay ng donasyon ang nanay niya kaya i-tsinismis mo na lang siya sa iba niyo pang kapit-bahay.
Gusto mo man iwasan rumesbak, di mo ito magawa. Kasi nga natural sa tao ang gumanti at lumaban kapag nasasaktan. Kahit na wala ka na sa katwiran.
Pero hindi dahil normal lang ang pakiramdam na ito, maari na natin itong gawing lisensya para makapanakit ng iba. Hindi lahat ng akala mong tama ay tama at hindi lahat ng alam mong mabuti ay mabuti nga. Kaya nga itinuturo sa eskuwelahan ang good manners and right conduct. At meron din counseling services ang simbahan. Lahat ng ito mga batas na hindi nakasulat pero sinusunod ng karamihan.
E bakit ka ba gumaganti kapag nasasaktan? Simple lang naman ang alam kong sagot diyan. Nakasanayan na kasi natin na laging sisihin ang iba sa sarili nating pagkakamali. Kumbaga, pinapagaan natin ang nararamdaman natin sa pinakamadaling paraan na alam natin. At iyon ang idamay ang ibang tao. Ang madalas nating katwiran: kasalanan kasi niya! Kawawa naman kung sino man siya. Sige nga, bilangin mo ang beses na sinuri mo ang sarili mo kapag nasasaktan ka? Gaano mo kadaming beses nasabi na kasalanan mo at wala ng iba pa?
Aba at pakiramdam mo pinanganak kang walang pagkakamali? Walang ganyan sa totoong buhay. Ano ito beauty contest? At feeling mo kung di mo idadamay ang iba, magiging mas magaan ang pagpasan mo sa mga problema ng mundo? Kung sa pakiramdam mo pasan mo ang mundo, mag-isip ka ulit! Hindi ka si Atlas at lalong di na uso ang Greek mythology ngayon.
Meron akong kakilalang babae. Sinira daw ang buhay niya ng asawa niya nung mabuntis siya nito. Hindi daw tuloy siya makahanap ng trabaho at sa halip nag-aalaga na lang siya ng anak niya. Iniisip ko lang, paano nasira ang buhay niya sa pagkakaroon ng anak? At bakit ganun ang pakiramdam niya sa asawa niya? Sa pagkakaalam ko kapag nabuntis ang isang babae, gusto rin niya ito. Kasi wala namang mambubuntis kung walang gustong magpabuntis. Itinuturing kaya niyang sumpa ang anak niya? Kung di pala siya sigurado bakit siya nagpasakal este nagpakasal? Sino ngayon ang sumira ng buhay nino? Tsk... tsk...
Hindi naman masama humanap ng karamay, idaan lang natin sa katwiran. Mas madaling gawin ang mali pero mas masarap pakinabangan ang bunga ng mga bagay na ginawa sa paraang tama. Kung sa pag-ganti gumagaan ang loob mo, tandaan mong lahat ng bagay ay may kapalit sa mundo.
Yaman din lang trip mong mandamay ng iba, siguraduhin mo na sasaya ka sa bandang huli at di mo na kailangan pang magsisi.
No comments:
Post a Comment