Tuesday, December 15, 2009

Nakakapagod

Minsan, hinihiling ko na sana de-baterya na lang ang katawan ko. Yung rechargeable. Para kapag naubos ang enerhiya, isasaksak na lang sa kuryente ng ilang oras at gagana na ulit. Maganda din sana yung baterya na napapalitan ang balot. O kaya naman bateryang yari sa plastik. Mahulog man o apakan, hindi ito masasaktan.  Yung katawan na puwedeng yurakan at hindi mararamdaman. Iniisip ko kung baterya ako, may pagkakataon akong ulit-ulitin na parang robot lang ang aking mga gawain. Yung paulit-ulit at hindi nakakasawa. Yung mapipilit kang tumawa kahit hindi ka masaya.

Madalas ipinagpapalagay ko na ako ay isang laruan. Pinagpapasa-pasahan. Mainit sa mata ng lahat kasi uso o kaya bago sa kasalukuyan. Pero madaling mapagsasawaan. At may binabagayan. May puso pero hindi nakikita. Madaling masira kasi gawang low-class material. Madaling itapon na lang kung saan. 

Sa kasalukuyan, iniisip ko sana ako na lang ay isang orasan. Umiikot lang at hawak ng dalawang kamay ang kanyang buhay. Walang nakikialam. Sandigan ng lahat pero madalas din makalimutan.

Pero tao pala ako.

No comments:

Post a Comment