Thursday, November 19, 2009

Bakit?

Kapag nababangga, nagkakapasa. At nagkakasugat naman kapag nadadapa. Pero bakit umiiyak ang tao pag nasasaktan siya? Ang pagluha ba ay katumbas ng mga sugat at pasa? Nasasaktan din ba ang mga mata kaya lumalabas ang mga luha? Bakit hindi kulay dugo ang luha? Kung umiiyak kapag nasasaktan, bakit naman may umiiyak sa kagalakan?

Bakit may tumatawa kahit hindi masaya? Bakit may masaya pero hindi maligaya? Talaga bang kailangan ng isang lalaki o babae para masukat ang kasiyahan ng tao? Bakit kailangan pang magdiwang kapag sagad ang kaligayahan? At bakit tinatawanan ang kapitbahay naming bungi? Hindi naman siya isang teleserye pero bakit marami ang nahuhumaling? Bakit may teleseryeng hindi patok sa masang manonood kahit ang bida dito ay ang pinakabata at pinakamagagandang nilalang sa larangan ng telebisyon? Kailangan ba talagang magaganda at gwapo ang bida sa pelikula? Bakit yung Pido, Dida patok sa takilya gayong ang pangit ng bida?

Kung tinatawanan ang nakakatawa, bakit sinisipulan ng mga lalaki ang sexy at maganda? Nagiging ibon ba ang mga binata kapag namamangha?

Bakit may nagsisinungaling at akala hindi mabubuking? At bakit may nabisto na pero sagad-tanggi pa din? Bakit kailangan maging totoo palagi? Meron bang kunwari lang na nabubuhay sa lipunan? Bakit kailangan may tao para mabuo ang isang pamayanan? Bakit may kapitbahay pero walang bahay? Bakit may mga bahay pero walang laman? Bakit may nagugutom kahit may pagkain? O kaya naman nagugutom pero tinitiis ang gutom? Bakit may naglalakad kahit may sasakyan? At bakit may gustong sumakay pero ayaw pasakayin o kaya walang masakyan? Bakit palaging matindi ang trapik sa Edsa? Sadya bang pink ang paboritong kulay ni BF?

Bakit may tanong pero walang sagot? Bakit may sagot kahit walang tanong? At bakit may intrimitida na sumasagot kahit hindi tinatanong?  Sa kabaligtaran, bakit may taong kahit anong pilit pasagutin hindi mo mapipilit paaminin? At bakit ayaw paniwalaan kahit nagsasabi ng katotohanan?

Bakit? Bakit? Bakit?

No comments:

Post a Comment