Wednesday, October 21, 2009

Tulog Ka Na Ba? Part Two

Sa unang bersyon ng blog na ito, nailarawan ko na ang tindi ng hirap ng pagbibilang ng tupa kapag hindi makatulog. Ito ang dahilan kaya binilang ko ang pigsa ng kapitbahay namin. Kaya lang lumipat na siya at wala na akong mapagbalingan. Balik tupa na tuloy ako.

Nung minsang di na naman ako makatulog, nagbilang na nga ako ng tupa. Tupa sa Facebook. Malaking bagay talaga ang nagagawa ng teknolohiya. Nagagawa nitong posible ang imposible. Kaya mga friends, padalhan niyo ko ng maraming animals sa Farmville at Farm Town ha. Wag lang yung baby elephant, masyado kasing malaki. Naalala ko tuloy yung katawan ko palagi.

Sa mga nagdaang araw, maswerte na ko kung makatulog ako ng 5 oras. Ewan ko ba, habang tumatagal lalong lumalala ang insomnia ko. At sa palagay ko malaking dahilan nito ay ang pagsulat ko ng blog na Tulog Ka Na Ba? Dahil dito, yung mga dating gimik ko di na epektib. Wala na tuloy ako mabiktima! Siyet! Bukod pa dito, talagang impluwensya sa’kin ang Facebook. Kung bakit naman kasi inimbento nila ang samu’t-saring application dito. Kulang tuloy ang 24 hours para masagot ang lahat. Tsk... tsk... tsk.

Nararamdaman ko na talaga ang epekto ng laging kulang sa tulog. Nung minsang lumabas kami ng mga kaibigan ko, napansin nila na may dumi daw sa ilalim ng mata ko. Pinunasan pa nila. Ayaw matanggal. Shet! Eyebag kaya yun, mukha lang uling na pinahid! Inisip ko tuloy, concern lang ba yun o nilalait na ko? Pero okay na din yung maitim na eyebags. At least hindi ko na kailangan mag-make up. Kunwari na lang pankista ako. Di ba uso naman yun?

Ika nga ng mga matatanda, ang hindi pagkatulog sa gabi ay sanhi ng malalim na pag-iisip. E paano naman yung mga blangko ang pag-iisip sa kadahilanang wala itong laman? Hmmm... medyo mahirap din ito ha.

Sinasabi ng mga totoong eksperto na mabisa daw ang musika sa mga di makatulog. Ang naging problema ko lang ay ang pagpili ng musikang pakikinggan. At kagaya ng iba ko pang mga kaibigan, may nagsabi sa’kin na mainam daw pakinggan ang mga klasikong piyesa ni Beethoven o kaya nung kay Mozart. Sinunod ko naman ang payo niya. Nung umpisa talagang na-relaks ako. Parang hele na umiihip sa duyan. Talagang payapa sa damdamin. Ayan konti na lang at makakatulog na ko. Nakapikit na yung isang mata ko  ng bigla na lang akong napabalikwas. Aba! At bakit tunog pang-ponebre pala ang mga ito?! Naririnig ko na ang mga tugtog na ito kapag may patay. Teka, teka. Nagpapaantok lang ako, hindi ko gusto pakinggan ang magiging tugtog sa araw ng libing ko! Utang na loob.

Di bale ng wag makatulog. Hayaan na natin ito.

Saturday, October 17, 2009

The Adventures of Ugok 4 and Kikoy Matsing

Noong araw, si Kikoy Matsing at si Ugok 4 ay matalik na magkaibigan. Sa di malamang kadahilanan, sila ay naging magkabigan. Wala naman kasi nakakapili ng kaibigan. Sino makakaisip na ang isang hayop at tao ay puwede rin pala maging isa sa puso. Kahit ayaw mo man sa isang tao, magigising ka na lang isang araw na magkasundo na pala kayo. At kahit anong sampal mo sa mukha mo, di ka na matatauhan dahil magkaibigan na kayo. Wala ka man choice masaya ka pa din. Pero lagi mo dapat alalahanin na kahit ipinagkakatiwala mo ang sarili mo sa iba, dapat mas mahal mo pa rin sarili mo. Baka sa dakong huli naging magkaibigan pala kayo dahil sa benepisyong kaugnay nito. Sa modernong salita, ang tawag dito user friendly.

Minsan sa pamamasyal ng magkaibigan ay nakakita sila ng puno ng saging. Sabi ni Kikoy: “Ugok 4, friends naman tayo, sakin na lang yung saging. Tutal naman matsing ako.” Tumawa ng malakas si Ugok 4 na animoy masisiraan na ng ulo. Hala tumawa pa ng tumawa labas na ang utak sa ngala-ngala. Ayun at hindi na siya makahinga, kailangan na ng Lifeline Arrows! Naglupasay na sa kakatawa. Biglang sagot: (Erap mode) “Walang kai-kaibigan. Walang kama-kamag-anak. Wag mo ako susubukan! E ano naman kung matsing ka, mukha naman akong matsing! Wahaha haha”

At duon na nagsimula ang pinakamalaking pagtatalo ng dalawa.

Dahil hindi sila magka-sundo, naisipan ni Kikoy Matsing na idaan na lang sa duwelo ang laban para sa puno. Ang magkamali ay siyang pipingutin ko! Ay hindi pala, pag nagkamali iikot ng 100 times habang nagpu-push up tapos magka-cartwheel ng paulit-ulit hanggang makarating sa Ali Mall (Visayan version ng Ale Mall. Ito ang bagong tayong mall sa lugar na di pa natatagpuan). Pagkatapos pararanasin ko ng Roller Coaster Ride na isa rin sa mga blog na isinulat ko.

Nagustuhan ni Ugok ang ideya kaya sumang-ayon siya. Parang Amazing Race to Death lang ito o kaya parang Beer Factor Challenge. Ek – say – ting!

Round 1: Sinubukan nila ang larong bato-bato pick. Heto ang pinaka-mabilis at pinaka-mabisang basehan ng lakas. Walang ekstra pawis na bubunuin. Kung baga, di na kailangan gamitan ng utak ang mga simpleng bagay. Pers time lang maglalaro ng bato-bato pick ni Ugok 4 kaya pinagbutihan niya ng husto ito. Hindi kasi naglalaro ng mga ganito ang taga-alta sociedad. Poor man’s game daw ito. Rich kid sya! Ang kanyang game plan: matalo si Kikoy sa loob ng 2 seconds. Agad niyang kinuha ang pinaka-malaking adobe sa kanto ng gubat sabay sigaw: “Bato! Batoooo!!!! Pick mo Kikoy!” Nagulantang si Kikoy sa ginawa ng kaibigan. Huli na para saluhin ang bato. Hindi niya mawari kung mag-a acrobatic siya o kaya naman mag-aala matrix moves o di kaya sisigaw ng darna para magkaron sya ng super powers. Hindi naman kasi siya si Ding para maging alisto sa mga bato. Sapul sa mukha niya. Five stars! Five stars ang nakita niya paiikot-ikot sa paningin niya. Panalo si Ugok 4 kay Kikoy Matsing. By Teknikal Nak Awt!

Round 2: Nang magkamalay na si Kikoy Matsing, tuloy na ang laban. Naisipan naman nila ang tagisan ng lakas. Tug of War na lang daw ang laban. Agad na kinuha ni Ugok 4 ang kanyang NSeries 955555000666 at nag-text. Ginamit niya ang Unlimited Textless power ng SunnySmart on Globe Network! Tatawag siya ng tulong sa mga kaibigan niya.

Samantala, naisip ni Kikoy Matsing na gumanti kay Ugok dahil sa nauna nilang laban. Ito na ang kanyang pagkakataon para maungusan ang kaibigan. Kapag nasaktan dapat lumaban. Nang makahanap na siya ng lubid, kumuha siya ng alkitran at ipinahid sa lubid. Iyon ang lubid na ipapahawak kay Ugok 4. Tingnan na lang niya kung manalo pa ito.

Nang makabalik si Kikoy Matsing nagulat siya sa kanyang nakita. Napupuguran na ng mga sanggano at barbaro ang lugar tagisan nila ni Ugok 4. Yun pala ang tinawag na tulong ni Ugok 4. Agad siya inatake ng mga ito. Binugbog siya ng husto at walang itinarang balat na walang latay. Tuwang-tuwa si Ugok 4! Panalo na naman siya! Ito ang bersyon niya ng Thug of War!

Hindi na inabutan pa ng ikatlong round si Kikoy. Black-out. Nagisnan niya ang sarili sa isang lugar na hindi pamilyar sa kanya. Puti ang paligid at sobrang tahimik. Agad niya hinanap si San Pedro. May babaeng nakaputi ang sumagot: “Wala si San Pedro, si Lucifer po ang kapalit niya.” Sampung ulit na nag-antanda ng krus si Kikoy! Aba at nasa impiyerno pala siya. Buti na lang nakita niya si Ugok 4 may yakap na puno ng saging. Sabi niya: “Lumabas lang si Dr. Lucy. Masakit ba?” sabay pinisil ng mahigpit ang namamaga at kulay talong niyang kamay.

Hindi na nakasigaw pa si Kikoy Matsing. Hinimatay na siya sa sakit. Napakamot lang ng ulo si Ugok 4 at nagtatakang nagtanong: “Anong nangyari?”


Moral Lesson: Tuso man daw ang matsing, siya ay matsing pa din. At dahil Ugok na tunay na maituturing, sa dakong dulo’y ugok pa din.

Wednesday, October 7, 2009

Ang Parada

Tanggap ko na. Tinigil ko na ang pagnanasang makita kita ulit. Tuluyan ka na kasing nagpaalam. Huminto na ko sa paghihintay, alam kong hindi ka na babalik. Hindi naman ako manhid. Nakakaramdam din ako. At alam ko din naman ang limitasyon ko. Bakit ko aaksayahin ang oras ko kung alam ko namang walang patutunguhan ito? Alam kong di na mauulit ang nakalipas pa. Pansamantala lang ang lahat.

Ninais kong habulin ka, pero di mo na ako nakikita. Kaya hininto ko na ang ilusyon at pag-asang makita ka muli dahil iba na ang direksyon ng iyong paningin. Nakahanap ka na ng ibang pag-aalayan ng iyong mga ngiti. Bali wala lang ang sandaling kapiling ka. Para sa iyo hindi naman ito mahalaga. Gusto ko sanang banggitin ang pangalan mo, pero pipigilan ko na lang ang sarili ko. Magpapanggap ka lang naman na walang narinig. Sa hangin lang mapupunta ang mga salita ko.

Kumulimlim na ang langit sabay ng sakit na aking nadarama. Ang sandaling pagtingkad ng araw ay isang alaala na lamang. Sa dakong huli talagang ako ay panghalili lang. Ganito na talaga ito. Kailangan ko na itong tanggapin.

Sa susunod na lang... magdadala ako ng ballpen tapos magpapa-autograph na ko, ha?

Friday, October 2, 2009

Bawas Kaalaman: Mga Salitang Di Dapat Matutunan

Babala: Ang mga salitang mababasa sa ibaba ay mga karunungang hindi dapat yakapin ninuman. Ito ay mga salitang orihinal ngunit kinopya lang ng may-akda. Obligasyon ng mga bumabasa na tumawa kahit corny ang istorya. Iba-ibang trip lang yan. Hindi ito puwedeng kopyahin. Gumawa ka ng sarili mong bersyon! Ang manggaya: sabog!

Absent – (abbb – sent) – ito ang pamosong bar sa Greenbelt 3. Kadalasan makikitang nakatambay dito ang gwapong si Borgy Manotoc. Sang-ayon sa bangaw na nakasabay ko sa bar na ito, bagay daw pumunta dito ang mga mahihilig sa dagat. Medyo matagal ko inisip kung bakit kasi hindi naman matubig ang lugar na iyon. Buti na lang isa pang bangaw ang nagsabing:  “Techno daw kasi ang music dun.” Ayun saka ko naisip ang salitang techno-marine. Sabihin niyo nga, ako ba ang slow?!

Violait – (va-yo-leyt) – kulay na paborito ng mga taong may hilig kay Barney. Ito din ang kulay ng paborito kong ice cream: ube. Minsan ginamit din ang salitang ito ng galit na mamang pulis na nakatago sa ilalim ng Mantrade para ipaalam na may nalabag kang batas trapiko. Pahihintuin niya ang sasakyan mo sa gitna ng daan kung saan kukuyugin ka ng mga dyip kaya bababa ka na lang ng walang angal. Tapos hihingin niya ang lisensya mo. Makikita mo na lang nakasulat sa tiket na nag-violait ka pala ng trapik rules. Imbes magalit ka, tatawa ka na lang.

Shine – (shayn) – ang tawag sa mga paskil/poster na nakasabit o nakadikit sa mga poste o pader. Madalas ginagamit ito sa mga batas trapiko.  Minsan nagawi ako sa QC, nagulat ako dahil lahat ng bangketa dun nakabalot ng peyborit color ni BF: pink.  Sinubukan kong tumawid para makasakay. Nagulat ako ng malakasang hinila ako ni mamang MMDA pabalik sa pedestrian lane, sabay sigaw: “Bawal po tumawid dito, magbasa po kayo ng trapik shine!” Mabuti na lang magalang siya, napigilan ko ang pagtawa.

Red –  (red) – Past  tense ng salitang read. Galit na nakipagtalo pa sa’kin sa spelling yung yaya ng anak ng kaibigan ko nung  minsang i-tama ko ang lesson nito. Kaya pala kumukuha ng tutor ang kaibigan ko. Mapanganib pala si yaya pag hindi binabara.

Fashion –  (fasss-shyon) – ang ritwal na ginagawa tuwing Semana Santa. Si manang kasi, nagpapanggap na sosyal dahil nakapunta na ng states ang anak. Ayun naging komedya tuloy ang padasal.

Yellow – (ye-low) - Ito  yung malamig na kinakayod na parang snow at ginagamit na pang-sangkap sa halo-halo. Sinagot ko ang tanong ng isang kaibigang nag-aaral mag-Tagalog kung ano ang translation ng ‘ice.’ Sinulat niya ito at ng aking basahin, ganito pala ang kanyang spelling.

Serious –  (Sir–yus) – pangalan ng peyborit Harry Potter character ko: “Serious Black.” Mali ba spelling? Okay lang yun, uso naman yun e.

Fowcett –  (fow–sett) – English translation ng gripo. Ganito kasi mag-pronounce kapag In-english ang Tagalog na paraan ng pagbabasa. Nung isang araw lang nanood ako ng dokyumentaryo ng mga abnormalidad ng tao. Isang doctor-psychologist ang nagbanggit ng fears ng tao. Nabanggit niya ang salitang ito. Sinubukan ko pang i-rewind. Tama nga ang dinig ko. Nawalan agad ng kredibilidad si Doc sa’kin. Mahirap na baka makakita pa ko ng praning, tapos hampasin ako ng tu-bow.

Trends –  (thrends) – Subsection ng mall kung saan ka makakabili ng mga sinulid, karayom at kung anu-ano pang gamit na pantahi. Isang flyer ang nakapukaw ng atensyon ko. Ang nakalarawan: isang napakagandang hikaw at kumukinang na singsing ang diumanoy naka-sale. Dagdag pa sa flyer, sa trends section daw mabibili yun. Tinanong ko yung isang sales lady kung saan ang trends section. Pinuntahan ko sang-ayon sa kanyang direksyon. Anak ng pating! Sinulid ba bibilhin ko?