Ika-13 ng Setyembre 1982. Ipinanganak ako sa ganap na ika-anim ng umaga. Isa itong araw na hindi inaasahan ng lahat. Isa itong binabagyong araw ng Setyembre. Parang sumpa lang. Akalain niyo pagkapanganak ko pa lang, lumuluha na ang langit. Bakeeeeettttt?
E wala naman kasing alam na buntis yung nanay ko. Unwanted Child kasi ako. Maka-ilang ulit pa ngang binalak na ipalaglag ako. Iniisip ko, kung talagang ninais ng nanay ko na ipalaglag ako, wala din naman ako magagawa. Kasi wala namang bata ang humiling na mabuhay o ipanganak sila sa mundo. Hindi sila nagkaron ng karapatan mamili ng magulang.
Nung ipinagbubuntis ako, ilang beses sumapi sa kulto ng starvation ang nanay ko. Di siya kumakain at talagang hunger strike ang drama ng samahang iyon. Sinubukan niya pa nga mag-yoga noon sa pag-aakalang isa itong uri ng akrobat na nakamamatay. Naisipan din pumasok ng nanay ko bilang isang detektib para lang lubusan siyang mapagod at mawala na ko sa sinapupunan niya. Binalak din niya mag-bungee jumping para matuluyan na kaya lang hindi natuloy kasi may acrophobia siya. At kung ano-ano pang gimik ang naisip niya. Kaya lang olats siya palagi. Sadyang malakas ang kapit ko. May lahi ata akong mangkukulam kasi talagang kinapitan ko ng husto ang tiyan ng nanay ko. Kaya pala palaging mabilis humaba ang kuko ko.
Isang araw bago ako ipanganak,hindi pa din siya sumusuko sa ideyang wag ko na masilayan ang mundo. Kuwento niya pa kahit daw pumutok na ang panubigan niya, tiniis niya ng husto sa pag-aakalang may pag-asa pa siya na mamatay ako. E hindi pala puwede yun. Sa ayaw at sa gusto man niya, lalabas talaga ko. Mamimili lang siya: papayagan niya na ako mag-hello world o sasama na siya sa hukay sa tiyanak na nasa sinapupunan niya. Ayun nanaig ang pagmamahal ng nanay ko sa sarili niya. Sa awa naman ng mga hokus pokus ng mga espiritu ng maligno, isang napakagandang anghel ang lumabas sa katauhan ko. O walang kokontra, birthday ko ngayon.
At dahil birthday ko ngayon, wag kayo magagalit. Dahil maliban sa pagiging anghel na katauhan ko, lahat ng mga pinagsasabi ko hindi totoo.
Sang-ayon sa NSO copy ng birth certificate ko, four pounds lang daw ako nung pinanganak ako. Sinong mag-aakala? Tingnan niyo naman at lumaki akong dambuhala. Ang tanda ko, grade six ako nung huli akong makitang payat. E makakalimutin pa naman ako. Kung sa paanong paraan talagang nagmistulang elepante ako sa laki. Paano ba naman, wala akong tigil sa paglamon. Kahit nga sa loob ng bookstore, iniisip ko bumili ng pagkain.
Pero di man matigil ang paglapad ko, alam ko pa din na maganda ako. Kaya nga madami ang nagkakagusto sa’kin. Aba! Sigurado ako dun. Bago ka mag-react diyan, mag-isip ka muna. Sige nga, kailan ba kayo nakakita ng baboy na hindi cute? At kailan kayo nakakita ng lechon na hindi pinansin o kinain? Yun ang patunay na gusto ako ng lahat at talagang cute ako.
Naalala ko pa bata pa lang ako talagang mapang-asar na talaga ako. Meron nga akong kalaro noon na binu-bully ko palagi. Hindi siya puwede maglaro kung hindi siya ang palaging taya. Kaya lang di niya ata ako natagalan. Lumipat sila ng bahay ng walang paalam na parang iniwasan pa na malaman ko iyon. Akala siguro pipigilan ko. Wihihihihi. At least, sa murang gulang alam na niya manindigan. Bakit pa niya kailangan magtiis kung meron naman ibang pagpipilian? At ako namang hindi napagtiyagaan o pinili, bakit naman ako magmumukmok? Wala mang magtagal, sigurado naman akong may dadating na iba diyan. Halimaw man o bakulaw dadating din yun. Pag di dumating e di wag.
Nung pumasok ako sa school, walang araw na wala akong kaaway. Gusto ko kasi ako ang laging bida. Bidang kontrabida. Madalas naman panalo ako. Isinusumbong ko palagi ang klasmeyt ko sa titser ko e. Siyempre, bakit naman ako magpapatalo kung alam kong may laban ako? Ika nga ng brand ng damit No Fear. Palaging walang takot. Bakit ka naman matatakot kung di mo pa nasusubukan? Kung subukan mo man at kahindik-hindik ang kalalabasan, e ano naman ngayon? Ang mahalaga sinubukan mo at mas matapang ka na ngayon. Matalo man sa laban, wala namang pagsisisi sa dakong huli.
College na ako nung magsimula akong tumino. Kung katinuan ngang maituturing iyon. Heto ang panahon ng katotohanan para sa’kin. Yugto na pinakamasarap balik-balikan. Totoong buhay estudyante. Kung para sa karamihan high school ang pinakamasarap na panahon ng pag-aaral, sa’kin college. Lahat ng nakilala ko nun nagkaron ng malalaking parte ng puso ko. Lahat ng matitinding kalokohan at katototahanan nakita ko dahil sa kolehiyo.
College din nung nagsimula akong mag-rebelde sa aking sarili at sa aking kapaligiran. Hindi pala totoong pantay-pantay ang tao. Pinapaniwala lang tayo ng mga mambabatas na priority nila tayo pero ang totoo busy sila mag-isip kung paano at saang paraan pa sila makakamolestiya sa mga tao. Kahit nga sa loob ng pamilya may pulitika. At kahit sa pagbili mo ng pagkain, hindi ka lulubayan nito.
Naalala ko nung mag-21 ako talagang humagulgol ako sa iyak. Hagulgol ng kaligayahan. Ang sarap ng pakiramdam. Salamat sa Civil/Family Code. Hindi man ako naging lubos na malaya, may karapatan na ako para i-invoke ito. Majority rules!
Parang kailan lang, 27 na pala ako. Hindi perpekto ang naging huling 7 taon sa buhay ko. Pero naghudyat ito ng malalaking pagbabago sa buhay ko. Tulad halimbawa ng mga desisyong ginawa at hindi na mababawi. Mga desisyon na mas mabuti sa nakararami kaysa sa sarili. Mga relasyong pinasok at inayawan sa di malamang kadahilanan. Mga commitments na hindi mapanindigan. Bagay na ginusto para sa sumaya ang iba. Mga multo at horror story ng buhay na ayaw na alalahanin o pag-usapan pa. At mga taong kilala ko noon pero parang hindi na ngayon.
Ang bilis ng panahon. At hindi ko na talaga mapigilan pa ang pagtanda. Hindi na mapigilan ang mga pagbabago. Halimbawa kahapon, baboy pa lang akong maituturing ngayon na-promote na ko. Isang certified panda na ako. Salamat sa Facebook at talagang malaking tulong sila sa paglaki at lalong pag-itim ng eyebags ko. Salamat sa Bleach at Death Note lalo akong nag-isip monyita. Mabuti na lang marunong din ako magbasa ng Bibliya. Salamat kay Inuyasha at naging senti ako. At kay Garfield na inspirasyon ko para wag pumayat. Salamat sa mga kaibigan kong inspirasyon ko sa maraming bagay. Kung akala niyo nakakatulong ako sa inyo, kabaligtaran yun. Mas doble ang tulong na nagagawa niyo sa’kin. Di niyo lang napapansin. Salamat sa mga distractors ko at sa awa ng witchraft, tumatalbog sa kanila ang panlalait nila. Di man ako naniniwala sa karma, alam kong umeepekto rin yun paminsan-minsan. Walang tapos na pasasalamat sa maraming matitiyagang nagbabasa ng blog ko at hindi pa din nila nahuhulaan kung sino ang mga characters na isinusulat ko. Nawa’y manatiling ganun habang buhay. Salamat din naman sa pamilya ko at napagtanto ko na ang mga pangarap ko ay hindi magiging totoo habang iniisip kong pangarap lang ito. At higit na pasasalamat kay Bro dahil buhay na naman ako. Bigyan niya pa sana ako ng mas maraming birthday para may susunod na Pagbabalik-tanaw blog.
Hindi ako nag-se celebrate ng birthday. Hininto ko na ang ritwal na ito nung mag-18 ako. Hindi na mahalaga kung bakit. Simple lang ang ibig sabihin sa'kin ng okasyong birthday: pagbabalik-tanawa at pasasalamat. Isang araw na dapat ilaan sa katahimikan at pagninilay-nilay At kung meron man akong aral na natutunan sa nakalipas na 27 taon ay ang halaga ng pagiging bata. Kabataan na minsan lang dadaan sa buhay ko. Sayang lang at hindi ko ito nalubos.
Puwede bang maging bata ulit? Kung sabagay twen-teen seven pa lang naman ako e.
No comments:
Post a Comment