Sinasabi ng mga dalubhasa sa sining ng Sikolohiya na ang mga taong may hilig daw sa mga kulay ay may angking galing sa pagkamalikhain (inclination to art). Kung nagsimula ang pagka-giliw mo sa mga kulay mula sa pagkabata, hindi malayong sa larangan ng sining mapunta ang iyong propesyon. Apat sa 10 bata na mahilig sa kulay o pagkukulay ay lumalaking may hilig sa sining ng pag-guhit. Habang ang natitirang 6 naman ay nagkakaron ng hilig sa larangan ng pagsulat. Ahem, ahem. Ayun naman pala. Kaya nung malaman ko ito, hindi na ko nagtaka kung bakit may angking talento ako sa pagsulat.
Yun naman daw mga taong malaki na nung nagkahilig sa kulay ay nagkakaroon ng mayabong na karera sa larangan ng disenyo o kaya naman ay sa pagiging events coordinator. Habang yun naman daw mas nais ang manood lang (laging audience o taong-bayan) ay tumatandang tsismoso o tsimosa. O di naman kaya mabilis sila maloko, mabola, magoyo o yung tinatawag nila sa English na gullible.
Parang ngayon. Naniwala at nadala kayo sa mga pinagsasabi ko habang hindi naman totoo ang lahat ng ito. Sa madaling sabi, naniwala kayo sa mga inimbento kong ito. Di ba parang realistic? Epektib!
Victim!!!!!
Sound effect: GKNB?! song!
Pero kung sa tutuuisin sa kulay naipahahayag ng tao ang kanyang saloobin. Sabi nga nila, "While art is a great form of expression, colour is the greatest display of it!" Sinong nagsabi? Ako! Alangan naman humanap pa ko ng ibang source e di credit pa nila 'to! O ayan, strike two na ko ha.
Nung bata pa ko, mahilig talaga ako mag-ekspiremento sa kulay. Tuwing Linggo kapag nagsisimba kami ng buong pamilya, nagagalit sa 'kin ang nanay ko kapag pinipilit ko magsuot ng ternong dark green blouse at dark brown pants. Ang lagi kong tanong: "Bakit hindi puwede? Bago naman ang blouse ko ha?" Salamat na lang nung mag-elementary ako, naintindihan ko na kapag ganun ang suot, baka isipin ng taong makakakita na isa akong puno o kaya naman model ng clean and green project ng simbahan. Parang kumain ka ng pandesal na may ketchup tapos sinawsaw mo sa taho. O kaya uminom ka ng coke tapos nilagyan ng cream habang kumakain ka ng mangga't bagoong. O kaya naman sinubukan mong lagyan ng peanut butter ang itlog na sunny side up. Parang oreo cookies na isinawsaw mo sa wine. Yung ganung pakiramdam. Puwedeng kainin pero yikes ang pakiramdam. Salamat na lang sa nanay ko at niligtas niya ko sa tiyak na kahihiyan. Pag nagkataon baka makilala pa ko sa ganung trend. No way! Highway!
Voice Over: I did not kill anybody!
Hindi ko alam kung talagang may topak lang talaga ako. Naalala ko kasi nung mag-7th birthday yung kalaro ko, habang excited ang lahat para sa pagbubukas ng mga regalo, ako naka-tingin sa mga lobo. Sabi nila ang kulay daw ng mga lobo na iyon ay rainbow. Nagtaka ako, pa'no nila nalaman na rainbow ang kulay e hindi naman umuulan. Atsaka napakalayo at napakataas naman ng rainbow para malaman yun. Pero sa kabilang banda, natuwa ako sa mga kulay ng lobo. Nursery Rhyme Mode: Red is the color of an apple. Orange, is the color of an orange. Yellow is the color of the wonderful sun.
Bukod sa mga kulay na yun, meron din white, green, purple, tsaka yung matingkad na rosas na parang kulay pula. Ano na nga ba yun?
Ang nakapagtataka nung mga panahong iyon, bakit walang silver na lobo? Bakit may puting lobo pero walang black? Bakit walang gold? Bakit walang brown? Bakit ganun? Nay, bakit?
Nung lumaki na ko (at talagang malaki ako) hindi pa rin nawala sa ugat ko ang pagkahilig sa kulay. Parang aids lang --- walang lunas. Ngayon mas madami akong kilala na ginagamit ang kulay kapag nagse-senti sila.
Emo ang background music para mas cool.
Halimbawa pag masaya ka, lagi mong sinasabing sinabawang gulay ang buhay mo (makulay kasi). Pero 'pag malungkot ka, sinasabi mo naman na "I'm blue." O di ba, parang si cookie monster lang.
Yung mga college pals ko na sobrang arte, red ang kulay ng ballpen pag galit sa mga boypren nila. Tapos silver and gold pag bati na sila with matching scented stationary pa. Yung mga sosyal at pa-sosyal pink para may fashion sense kuno, tapos may iba't-ibang kulay ng highlighter yung mga yun. Sarap kulayan ang mga mukha nila ng violet! Pag walang alam kungdi mangopya ng mangopya, walang kulay ang ballpen nila. Wala kasi silang ballpen. Pag bading -- green. Pag aktibista laging matingkad ang suot. Parang giyera palagi. Yung di nag-to toothbrush bukod sa mabaho ang hininga, yellow ang ngipin nila. Yung iba brown ang underarm (nagpuputik). Yung iba naka-uniform na puti kahit green ang uniporme namin. Namumuti kasi sa alikabok! Pero ang pinakamalupit yung klasmeyt ko na black ang suot na damit sa buong semester, bumagsak!
Iba't-iba man ang kulay mo o kahit anong kulay ka pa, mas matindi pa din ang kulay ng loob. Wag ka mahihiya. Paborito ko man ang kulay na dilaw, hindi ako tagapag-sunod ni Tita Cory. Sa bandang dulo pinaka-maganda pa din sa paningin ko ang walang kulay. Colourless ika nga. Pero hindi si Casper siyempre. Parang tubig lang: malinaw. Yun ang kulay ng totoong malinis na damdamin. Purong damdamin at dalisay ang hangarin. Bihira na ngayon ang ganito ha. Mas madalas sa hindi kulay pusali na.
Ikaw, anong kulay ka?
No comments:
Post a Comment