Heto ang mga nakalap kong kwento sa lansangan, sa opisina, sa tambayan, sa kainan at kung saan-saan pa. Mga kwentong kanais-nais. Mga istoryang kahindik-hindik. At mga sabit na nangangalabit.
Ang unang bida. Ang kuya kong driver. Puti ang kotse niya. Pampasaherong sasakyan ang dala niya. Bibida si kuya sa mga kwento niya. Aaliwin ka sa mga kwentong kutsero niya. Ang hindi lang niya alam, nabasa ko na lahat yun sa internet. Kung di naman, narinig ko na rin sa iba pang mga kagaya niya. Pero ride lang. Kunwari bago yun sa pandinig ko. Nung malapit na ko bumaba, napansin ko na doble pala ang singil ng metro niya. At dahil sinabi ko yun sa kanya, nag-deny ang kuya ng bonggang-bongga. Kulang na lang na lumabas ang litid sa lalamunan niya. Sa bandang huli sabi ko na lang: "Yumaman ka sana, kuya!" Ayun sinara ko na parang may giyera ang pinto ng sasakyan niya. Tingnan ko lang kung hindi maapektuhan eardrums niya.
Sunod namang bida si ate tindera. Nakangiti si ate pag lapit ko. Tapos biglang sumimangot ng tinanong ko na. Aba, at itinuro niya saken ang brochure kung saan makikita ang presyo at iba pang detalye ng teleponong tinda niya, pagkatapos tinalikuran ako at nagpanggap na abala. Pilosopo pa naman ako. Kaya ayun sabi ko, "Ate, latest ang technology niyo ha! Akalain mo at nakakapagsalita na pala ang papel!" Mabuti na lang naisip ko na layasan agad siya.
Nakita niyo na ba ang mga ka-berks ko sa mga underpass ng Ayala? Madalas ako hinahabol ng mga iyon. At kung di alam ng mga tao sa paligid ko kung ano ang trabaho nila, malamang sa hindi paghihinalaan ako na isa akong masamang tao. Aba, kung makaharang at makahila akala mo pulis! Mabuti naman ang intensyon nila kaya mapapalampas ang ganoong ugali nila. Kaya lang nagulat ako nung minsan, yung isa sa mga ka-berks nila, hinarang ako. Sabi saken, "Are you Filipina?" Pabibo naman ako sa pagsagot. Sabi ko: "yes!" Akalain mo sabi sakin "Okey Mam. Tenk you!" Anak ng! May pre-requisite na pala ngayon para harangin nila.
Isa pang ate ang ikukuwento ko. Nakasakay ko siya sa loob ng tren. Dahil katapat ko siya at wala naman gaanong tao sa loob ng tren, di ko maiwasan na mapagmasdan ang kilos niya. Pa-text text lang siya nung una. At sa palagay ko nainip siya mag-reply ang kausap niya kaya siguro tinawagan na lang niya ito. Heto ang sabi: "Helo. Helo. O, natanggap mo ba text ko? Asan ka? Huh? Ano? Teka. Di kita marinig. Saan?" At paulit-ulit ang litanya niya. Di niya marinig ang kausap. Sumigaw na ng malakas si ate. Sigaw na halos lumabas na ang baga niya. Pero di siya marinig ng kausap niya. Kung di naman kasi kulang ang IQ ni ate. Bakit naman kasi sa loob ng tren niya naisip makipag-phone patch? Malamang sa ingay ng tren kahit ilabas niya pa diaphragm niya hindi siya maririnig ng kausap niya.
Nung minsang maligaw ang mga paa ko, naabutan ko na lang ang sarili ko sa loob ng isang malaking mall sa QC. Napadaan ako sa isang product demo. Wala masyadong tao sa paligid. Hindi naman kasi lahat ng tao mahilig sa mga digital kitchen appliances. Gusto ata makabenta ni mama. Hinarang ako at pinilit na huminto sa tapat ng produkto niya. Medyo di naman ako naaliw nung makita ko kung ano ang produkto niya. Pero mapilit ang mama. Hinabol at hinila ako! Hala, at magalang pala ang mamang ito! Medyo umakyat ang dugo sa ulo ko at kulang na lang kagatin ko ang kamay ni mamang tindero. Sa sobrang pagka-pikon ko, ganito ang naging takbo ng usapan namin:
MAMA: Ma'am sandali lang po. Tingnan niyo po muna ito. Nakakita na po ba kayo nito? (Hmmm.. challenging ha...)
AKO: Oo.
MAMA: Saan po?
AKO: Dito. Ayan o, tinitinda mo!
Napahiya ang mama. Di na ko hinabol nung tinalikuran ko. Wehehe
No comments:
Post a Comment