Hindi ko alam kung paano at kung saan. Hindi ko na din namalayan kung kailan. Nakita ko na lang na andyan ka na. Dumating ka ng walang pasabi. Hindi kita napaghandaan. Di na kita naiwasan. At aaminin ko ang pagdating mo ay aking pinagsisisihan.
Ginulo mo ang maayos kong buhay. Sinira mo ang tahimik at payapa kong araw. Naging tampok ako ng mga usap-usapan. At may iilan na hindi napigilan sa pagkutya sa akin. Wala kang nagawa para ibsan ang aking hiyang naramdaman. Sa halip nanantili kang naka-kapit na tila wala ng katapusan.
Pero aaminin ko na ako'y naging masaya din naman. Sapagkat hatid ng bawat asaran ay ang panandaliang pag-ngiti at kaligayahan. Ang ilan ay nagpaabot din naman ng awa. May ilan ding tumulong para ibsan ang aking nararamdaman.
Hindi ko namalayan nasanay na ako sa iyo. At ang kapit mo sa akin ay hindi naging biro. Di ko na alam kung paano ka maalis sa buhay ko. Dalangin ko ang solusyon sa problemang ito. Ayoko na maulit ang pangyayaring ito sa buhay ko. Sumpa ko na hindi na kita ulit papapasukin sa buhay ko.
Hindi na kita muli bibigyan ng pagkakataon. Doble ingat na ako sa mga susunod na panahon. Sisikapin ko na iwasan ka. Nang sa huli ay di na mag-krus ang ating landas. Hindi na kailanman mauulit ito.
Uuwi na ako ng bahay. Sa dakong huli doon din naman ang hantungan. At sa pag-uwi ko, tiyak ko na sabon at washing machine na ang bahala sa iyo.
No comments:
Post a Comment