Monday, October 25, 2010

Kontra Bida

Ako na lang ata ang naiwan. Lahat sila nakapag-move on na. Madali na nilang natanggap ang bigat ng mga emosyon. Patuloy na ang pagdaloy ng buhay nila. Sabi ko naman okay na. Pero hindi ko pa din magawa ang  tumawa. Hindi ko kayang tanggapin ang sakit na dinulot ng aking damdamin. Hindi ko kayang magpatuloy pa.

Palagi kong sinasabi na wala na sa akin iyon. Ngunit palaging may kirot kapag nakikita o naalala ko ang nagdaang sitwasyon. Aaminin ko na kaya ko nang tanggapin na wala na nga. Subalit hindi madaling talikuran ang sakit at pait na dulot ng mga kahapon. Tapos na ang lumang eksena. May bagong cut na.

Ayoko ng maging kaibigan ka. Sapagkat hindi ko nais na masaktan pa. Ang tanging nais ko ay maging mapayapa. Hindi ko na kakayanin ang iba.

May mga istoryang darating. Ngunit hindi ko pa kaya na ito ay basahin. Ang plumang lumimbag sa iyong istorya ay isang panghabambuhay na tatalikuran ko na.

Paalam na.

Wednesday, October 20, 2010

SHOWBIZ

Mukhang nabahiran na talaga ng showbiz ang ating pambansang pulitika. At kahit pati ang pangulo ng Pilipinas laman na rin ng showbiz section ng mga tabloid. Mukhang nahawa na sa kasikatan ng kanyang kapatid si Pnoy. Kaya masyadong malapit ang mga kamera sa kanya. Tuloy imbes pambansang isyu ang natututukan ay ang lovelife ni Pnoy ang nagiging priority ng mga mapanghusgang press.

Hindi lang iyan, tampok din siya ng mga biruan ng mga artista. Akalain mong kaliwa't kanan ang mga taong nagpa-pantasya sa kanya. May mga nakabuntot na media sa mga date niya. May artista na brutal sa pag-amin na gusto niya maging first lady. Nakakabanas lang kasi tila walang limitasyon ang mga taong gumagawa nun sa kanya. Ang sa akin lang sana alam ni Pnoy na hindi siya iginagalang ng mga taong ito. Noong panahon ni GMA, walang sinuman ang nakakagawa ng ganun. Alam ng lahat na siya ang pinakamataas na pinuno ng bansa.

Ang totoo niyan, wala naman talaga ako pakialam kahit bastusin pa nila si Pnoy. Medyo concern lang ako. Kasi naman, sa sobrang pagiging masa-favorite niya, hindi nabibigyang pokus ang mga kamalian na gagawin niya. Halimbawa ang lintik na hostage crisis na iyan! Maraming naiinis sa kabagalan ng pag-usad ng imbestigasyon niya. Pero hindi ito mapagtuunan ng pansin sapagkat mas gusto ata  malaman ng karamihan kung bakit sila nag-break ng girlfriend niya. Bukod pa dito, tapos na ang ika-100 araw niya ng panunungkulan. Medyo mabagal ang pag-usad ng kanyang gagawin at mga plano para sa bayan kong Pilipinas.

Aaminin ko din naman na impressive ang mga tactics niya --- bagay na ikipinaninindig ng balahibo ko pag naaalala ko. Halimbawa na lang ang pag-gamit ng wangwang sa kalsada at  ang pagta-Tagalog niya sa kanyang SONA. Simple lang pero impressive! Kaya lang wag sana ako daanin ni Pnoy sa mga ganyang impressive tactics. Para naman akong artista niyan.

Ang sa akin lang, gusto ko ng ingay mula kay Pnoy. Gusto kong marining ang boses niya. Sana magpa-impluwensya siya ng konti sa kapatid niya. Hindi yung puro showbiz ang inaatupag niya!


Sunday, October 10, 2010

Mantsa

Hindi ko alam kung paano at kung saan. Hindi ko na din namalayan kung kailan. Nakita ko na lang na andyan ka na. Dumating ka ng walang pasabi. Hindi kita napaghandaan. Di na kita naiwasan. At aaminin ko ang pagdating mo ay aking pinagsisisihan.

Ginulo mo ang maayos kong buhay. Sinira mo ang tahimik at payapa kong araw. Naging tampok ako ng mga usap-usapan. At may iilan na hindi napigilan sa pagkutya sa akin. Wala kang nagawa para ibsan ang aking hiyang naramdaman. Sa halip nanantili kang naka-kapit na tila wala ng katapusan.

Pero aaminin ko na ako'y naging masaya din naman. Sapagkat hatid ng bawat asaran ay ang panandaliang pag-ngiti at kaligayahan. Ang ilan ay nagpaabot din naman ng awa. May ilan ding tumulong para ibsan ang aking nararamdaman.

Hindi ko namalayan nasanay na ako sa iyo. At ang kapit mo sa akin ay hindi naging biro. Di ko na alam kung paano ka maalis sa buhay ko. Dalangin ko ang solusyon sa problemang ito. Ayoko na maulit ang pangyayaring ito sa buhay ko. Sumpa ko na hindi na kita ulit papapasukin sa buhay ko.

Hindi na kita muli bibigyan ng pagkakataon. Doble ingat na ako sa mga susunod na panahon. Sisikapin ko na iwasan ka. Nang sa huli ay di na mag-krus ang ating landas. Hindi na kailanman mauulit ito.

Uuwi na ako ng bahay. Sa dakong huli doon din naman ang hantungan. At sa pag-uwi ko, tiyak ko na sabon at washing machine na ang bahala sa iyo.

Thursday, October 7, 2010

Usapang Pikon

Heto ang mga nakalap kong kwento sa lansangan, sa opisina, sa tambayan, sa kainan at kung saan-saan pa. Mga kwentong kanais-nais. Mga istoryang kahindik-hindik. At mga sabit na nangangalabit.

Ang unang bida. Ang kuya kong driver. Puti ang kotse niya. Pampasaherong sasakyan ang dala niya. Bibida si kuya sa mga kwento niya. Aaliwin ka sa mga kwentong kutsero niya. Ang hindi lang niya alam, nabasa ko na lahat yun sa internet. Kung di naman, narinig ko na rin sa iba pang mga kagaya niya. Pero ride lang. Kunwari bago yun sa pandinig ko. Nung malapit na ko bumaba, napansin ko na doble pala ang singil ng metro niya. At dahil sinabi ko yun sa kanya, nag-deny ang kuya ng bonggang-bongga. Kulang na lang na lumabas ang litid sa lalamunan niya. Sa bandang huli sabi ko na lang: "Yumaman ka sana, kuya!" Ayun sinara ko na parang may giyera ang pinto ng sasakyan niya. Tingnan ko lang kung hindi maapektuhan eardrums niya.

Sunod namang bida si ate tindera. Nakangiti si ate pag lapit ko. Tapos biglang sumimangot ng tinanong ko na. Aba, at itinuro niya saken ang brochure kung saan makikita ang presyo at iba pang detalye ng teleponong tinda niya, pagkatapos tinalikuran ako at nagpanggap na abala. Pilosopo pa naman ako. Kaya ayun sabi ko, "Ate, latest ang technology niyo ha! Akalain mo at nakakapagsalita na pala ang papel!" Mabuti na lang naisip ko na layasan agad siya.

Nakita niyo na ba ang mga ka-berks ko sa mga underpass ng Ayala? Madalas ako hinahabol ng mga iyon. At kung di alam ng mga tao sa paligid ko kung ano ang trabaho nila, malamang sa hindi paghihinalaan ako na isa akong masamang tao. Aba, kung makaharang at makahila akala mo pulis! Mabuti naman ang intensyon nila kaya mapapalampas ang ganoong ugali nila. Kaya lang nagulat ako nung minsan, yung isa sa mga ka-berks nila, hinarang ako. Sabi saken, "Are you Filipina?" Pabibo naman ako sa pagsagot. Sabi ko: "yes!" Akalain mo sabi sakin "Okey Mam. Tenk you!" Anak ng! May pre-requisite na pala ngayon para harangin nila.

Isa pang ate ang ikukuwento ko. Nakasakay ko siya sa loob ng tren. Dahil katapat ko siya at wala naman gaanong tao sa loob ng tren, di ko maiwasan na mapagmasdan ang kilos niya. Pa-text text lang siya nung una. At sa palagay ko nainip siya mag-reply ang kausap niya kaya siguro tinawagan na lang niya ito. Heto ang sabi: "Helo. Helo. O, natanggap mo ba text ko? Asan ka? Huh? Ano? Teka. Di kita marinig. Saan?" At paulit-ulit ang litanya niya. Di niya marinig ang kausap. Sumigaw na ng malakas si ate. Sigaw na halos lumabas na ang baga niya. Pero di siya marinig ng kausap niya. Kung di naman kasi kulang ang IQ ni ate. Bakit naman kasi sa loob ng tren niya naisip makipag-phone patch? Malamang sa ingay ng tren kahit ilabas niya pa diaphragm niya hindi siya maririnig ng kausap niya.

Nung minsang maligaw ang mga paa ko, naabutan ko na lang ang sarili ko sa loob ng isang malaking mall sa QC. Napadaan ako sa isang product demo. Wala masyadong tao sa paligid. Hindi naman kasi lahat ng tao mahilig sa mga digital kitchen appliances. Gusto ata makabenta ni mama. Hinarang ako at pinilit na huminto sa tapat ng produkto niya. Medyo di naman ako naaliw nung makita ko kung ano ang produkto niya. Pero mapilit ang mama. Hinabol at hinila ako! Hala, at magalang pala ang mamang ito! Medyo umakyat ang dugo sa ulo ko at kulang na lang kagatin ko ang kamay ni mamang tindero. Sa sobrang pagka-pikon ko, ganito ang naging takbo ng usapan namin:

MAMA: Ma'am sandali lang po. Tingnan niyo po muna ito. Nakakita na po ba kayo nito? (Hmmm.. challenging ha...)
AKO: Oo.
MAMA: Saan po?
AKO: Dito. Ayan o, tinitinda mo!

Napahiya ang mama. Di na ko hinabol nung tinalikuran ko. Wehehe