Hindi na bago sa pandinig natin ang kasabihang: "Life is Unfair." Kadalasan, naririnig o naalala natin ito kapag nagiging mahirap ang mga desisyon na ginagawa natin kapalit ng kaligayahan ng nakararami. Minsan naman, ang mga sakit na nararamdaman natin ang nagiging patunay sa kasabihang ito.
Kung sa tutuusin, hindi naman talaga totoo ito.
Hindi totoong hindi makaturangan ang buhay. Hindi kasi natin matanggap na may mga bagay na hindi nararapat pero kinaiinggitan natin. Halimbawa,ang pagkakaiba ng pangit sa maganda. O kaya naman kapag dinidibdib natin ang pagkakalayo ng mayaman at mahirap.
E ano kung maganda siya, ibig ba sabihin nun perpekto na siya? Kapag naman mayaman siya, ibig ba sabihin nun wala na siyang utang? Kapag pangit ba ibig sabihin hindi na puwedeng mahalin? E bakit maraming pangit na artista ang sumisikat? Hindi dahil mayaman siya at mahirap ka ay nangangahulugan ito na pasan mo na ang daigdig. Sa kasaysayan, si Atlas pa lang ang nakakagawa nun. Dahil tao ka, alam kong hindi mo magagawang ipasan ang daigdig.
Ang totoo niyan ang pagkakaroon ng iba-ibang antas ng buhay ay isang litanya. Litanya na dapat tanggapin ng maluwag sa dibdib. Mahirap pero yun ang dapat.
Hindi nagiging makaturangan ang buhay kapag pinipilit natin ang mga gusto nating mangyari sa kabila ng katotohanan na makaapak tayo ng karapatang pantao ng iba. Tingnan niyo ang mga pulitiko, madalas silang magpasikat sa harap ng telebisyon kaya maraming away na nag-uugnay lang sa maling interpretasyon. Pinipilit nila ang kanilang gusto kaya maraming tao ang nag-iisip na tama ito.
Parang pag nagmamahal. Hindi mo puwedeng ipilit na mahalin ka ng isang tao kung hindi niya gusto. Sabi nga ni Bob Ong: Pag hindi ka mahal ng mahal mo wag ka magreklamo. Kasi may mga tao rin na di mo mahal pero mahal ka. Kaya quits lang.
Kapag pinagpatuloy mo ang iyong paniniwala na hindi makaturangan ang buhay, parang sinabi mo na rin na isang pagkakamali na ipinanganak ka sa mundong ibabaw. Ang maduming kaisipan at hindi busilak na hangarin ang nagpapahirap sa antas ng iyong buhay.
Isipin mo na lang kung madali ang buhay, paano mo maiisip na pahalagahan ang mga bagay sa paligid mo? Kung lahat ng bagay ay masaya, paano mo mararamdaman ang halaga ng mga luha? Paano mo maiisip na gumawa ng kakaiba kung ang lahat ng tao iniisip ito ay ordinaryo lang? At paano ka makakapag-bigay ng pagmamahal o ligaya kung hindi naman pala ito kailangan ng lahat. Habang ganyan ang pag-iisip mo, patuloy na magiging sumpa ang buhay para sa'yo.
Tanggapin mo na ganito ang buhay. Masakit pero dapat tanggapin. Mahirap pero hindi makaturangan.
No comments:
Post a Comment