Gusot. Ang tawag sa bagay na may lukot. Isa itong kulubot. Isang lukot na maaring di sinadya o maaring dulot ito ng isang pagpapabaya. Karaniwang nakikita sa papel na nilukot. O sa damit na kalalaba lang. Gusot. Lukot.
Nakakabahala at nakakalugmok.
Naranasan mo na bang maging bahagi ng isang gusot na hindi ikaw ang may gawa? At dahil wala kang iba pang magagawa ay kailangan mong makiagos na lang? Naramdaman mo na bang ipagtanggol ang sarili mo sa bagay na dulot ng pagpapabaya ng ibang tao? Ngunit hindi ka puwedeng magdahilan at kailangan mo lang daanin sa katwiran? Nasubukan mo na bang ayusin ang gusot na hindi sa iyo? At sa paggawa noon ikaw pa ang lalabas na may sala?
Ang totoo niyan, madalas sa hindi ay nararanasan ito ng tao. Likas kasi ito sa mga taong may puso --- kahit pusong bato pa yan. Ang initial reaction natin ay palaging umiwas o kaya naman rejection na lang. Bakit ang hindi? Mas madali kaya ang umiwas. Mas masarap kaya ang pakiramdam ng nawawala sa limelight o center of attention. Bakit naman natin kailangan ipagtanggol ang ating sarili sa bagay na hindi ikaw ang may gawa, di ba? Para kang kumuha ng bato ng ipupukpok mo sa sarili mong ulo. Aray! Wag na lang!
Tama naman iyan. Lalo na kung makakaiwas ka sa kaguluhan. Ngunit tandaan
lang na hindi lahat ng oras ay lalabas si Voltes V para maglabas ng force
shield sa'yo. May pagkakataon din na kailangan ilabas mo din ang iyong laser
sword para labanan ang kampon ng kadiliman.
Hindi ito madaling gawin. Lalo na at gagamit ka ng kame-hame wave
para lang manalo sa laban. Ngunit ang bawat gusot na iyong pagdaanan ay isang level
up sa laro ng buhay. Mas mainam na ang lumaban. Kaysa naman pabayaan ang
mga mahal mo sa buhay sa ganitong klase ng laban. Mas madali ang masaktan kaysa
makasakit ng ibang tao.
Ganito lang palagi ang iniisip ko. Lalo na kapag ang
maraming tao ay lagi akong dinadala sa mga sitwasyon na ganito. Pinagpapalagay
ko na nagtitiwala sila sa akin. At sa palagay ko naman matibay ang plantsa na
gamit ko.
No comments:
Post a Comment