Hindi ko hilig ang manood ng telebisyon. Kaya kapag may napapanood ako o nakikita sa telebisyon, ito ay tumatatak at nag-iiwan ng bakas sa isip ko. Nung minsang pagpihit ko sa remote control, isang Tagalog na pelikula ang sumabay dito. At ginulat ako ng bidang lalaki ng bitawan niya ang linyang ito: "Kapag niyakap ba kita, happy ending na tayo?...."
Isang madamdaming tagpo. At dahil hindi ako masyadong panatiko ng ganitong uri ng drama, nilipat ko ulit ang channel. Aakalain ko ba naman na isang political ad ang babandera sa paningin at pandinig ko?
Hindi naman mahusay ang isip ko pero di ko naiwasang ibalik sa buwisit na pulitkong iyon ang tanong: "Kapag ba niyakap ko ang adhikain mo, happy ending na ang buhay ko bilang isang Pilipino? Kapag ba sinabi mong galing ka sa hirap ibig sabihin may magagawa ka na sa bayan ko?
Sampu sa sampung political ads na napapanood at naririnig natin sa telebisyon at radyo ay parang pelikula. Kasi naman pinagbibidahan ito ng mga dramatista. Ang pinagtataka ko lang, bakit hindi sila bukas sa pagsasabing: MAYAMAN SILA PERO MAY MAGAGAWA PA DIN SILA. Naiirita ako kasi sa bawat ad nila, lagi nilang sinasabing mahirap sila o galing sila sa hirap kaya dapat iboto din sila. Ginagawa nilang sumpa ang kahirapan at kunwari isa silang mensaherong tagapaglitas sa kanser ng lipunan.
Kung aaralin natin ng maigi ang kanilang sinasabi, hindi nila matuwid na naipapahayag ang kanilang plataporma. Halimbawa, kung sinasabi ng kanilang ad na iaahon nila ang Pilipino sa hirap, paano nila gagawin ito? Hahatiin ba nila ang kanilang yaman atsaka ipambabayad sa utang ng Pilipinas sa World Bank? O mangungutang ulit sila para hindi magalaw ang mga tagong yaman nila? Kapag sinabi nilang may trabaho para sa mamamayan, trabaho ba ito na makabubuhay ng pamilya o pantawid gutom lang? Ito ba ang hanapbuhay na akma sa kursong tinapos nila?
Meron isang tumatakbong para Senador ang umapila sa taong-bayan. Iboto daw siya kasi ipinakulong siya noon. Tama ba ito? Sa pagkakaalam ko kaya kumakandidato ay dahil may interes sa serbisyo publiko. Kailan pa naging MMK ang lehislatura? Sana maging malinaw siya kung ano ang link ng pagkakakulong niya sa pagnanais niyang makapaglingkod sa bayan ko.
Hindi ko sinasabing wala ng pag-asang nakataya sa mga kandidatong ito. Kailangan lang maging mapanuri. Hindi palaging pelikula ang palabas sa TV. Tandaan: may commercial din. At mas madalas ang patalastas kaysa sa aktwal na palabas. Maaaring matandaan natin ang paulit-ulit na patalastas na ito. Mahuhumaling tayo at mae-engganyo. Pero kagaya ng linyang binanggit ni Piolo, ibig bang sabihin nito happy ending na tayo?
tama!!!(kris aquino accent)...does this mean nonoy k din applet?
ReplyDelete