Color yellow has often been associated to cowardice. It has always been misinterpreted and misconstrued. Historically yellow is a color used to describe racism. Yet the modern day individuals treat yellow as the color of lightness. With modern politics, the same color is use to express love for liberty and the belief to fight for it. Apple is not coward and she dares to show light. In this blog, let the yellow Apple speak.
Sunday, August 30, 2009
Commercial Muna
Marami ang nagtatanong sakin. Ano daw ba ang nagagawa ng pagba-blog ko? Ano ba ang napapala at nakukuha ko? Bakit kailangan mag-blog ako? Anong silbi nito sa buhay ko? Ang mga ito ay mga lehitimong pagsusuri ng aking mga kritiko. Ang ilan naman tinatanong ng mga sumusubok ng aking bait. Akala siguro ng iba, may potensyal na maging Sisa ako sa hinaharap. Pero dapat ko aminin. Siyempre di naman ako showbiz. Paulit-ulit ko din tinatanong sa sarili ko ang mga sagot sa tanong nila. Wala pa din akong konkretong sagot na maibigay. Bukod kasi sa math, hindi rumerihistro sa utak ko ang mahihirap na tanong. Lalo na kapag test of skill lang naman ang tanong sa akin.
Aksaya ng oras yan ang tawag ng ilan. Tanong ko naman, bakit binabasa nila? Tapos may pakialamera pa na akala mo pinakamagaling sila! Hindi naman kailangan mag-ingay para mapansin o magpapansin. Meron naman ilan na tumatango at ngumingiti lang. Hindi lahat ng pagtahimik ay nangangahulugan ng pagsang-ayon. Kadalasan pa nga, ito ang pinakamabisang paraan ng pagtutol. At ramdam ko yun. Hindi naman mahina ang senses ko. Kaya yung mahilig ilabas ang mga gilagid nila para kunwari'y sumasang-ayon ang madalas na sumaksak patalikod. Pero siguraduhin niyo lang sterilized ang kutsilyo para mabubuhay pa ko pagkatapos.
Kadalasan sa hindi, mas madami ang pumupuna kaysa sa pumupuri. Di ba nga ang noypi kilalang magagaling na kritiko? Tingnan mo dahil duon ilang beses nagkaron ng bersyon ng Edsa. At dahil din dun kaya hindi nila mapabagsak ang rehimen ni Gloria. Ha ha ha. Ang ilan pa nga itinuturing akong isang mabuting halimbawa ng kumedya na ari mo'y isang sakit na nakakahawa. Kaya tuwing magsusulat ako, dalawang beses ko pinag-iisipan ng husto kung ipagpapatuloy ko ba o hindi ang susunod na kuwento ko.
Pero bakit naman ako magpapatalo sa kanila? Habang may nagagalit at pumupuna nangangahulugan iyon na hindi ako nag-iisa. Negatibong kumento ang nagpapatunay na nakakaantig ako ng damdamin ng iba. Bakit kaya? Ganito yun. Parang episode ng MMK lang. Napapag-isip ng ilan na kagaya sila ng ilan sa mga tauhan ng kuwento ko at di nila matanggap na napansin ng iba ang uling nila sa mukha. Hindi naman ako nanglalait. Nagsasabi lang ng totoo. Yun nga lang madalas eksaherado. At dahil masakit malaman ang katotohanan, karamihan sa atin nagbubulag-bulagan. Dahil hindi madali tanggapin ang totoo, galit-galitan ang drama mo. Nagtatago ka sa maskara ng hollow ni Ichigo. Dapat mag-audition ka na lang sa Star Struck!
Sa totoo lang hindi madali ang magsulat. Lalo na sa wikang Tagalog. Sinabi ko na ito dati, inulit ko lang. Sobrang hirap lalo na kung wikang banyaga ang bumubuhay sayo. Kaya nga Taglish ang ginawa kong uri ng pag-sulat. Playing safe, ika nga. Sabi ng kaibigan ko free reign writing daw ang paraan ng pag-sulat ko. Ang tawag ko naman dito satiriko. Habang ang karamihan ay pinapayaman ang balarila ni Uncle Sam, dumudugo naman ang ilong ko kaka-translate ng wika ni Juan. Halos lahat kasi ng salita asimilado na. Sinusubok ko din kung hanggang saan ako tatagal ng hindi umiinom ng isang basong tubig na may laman na Ingles!
Yung ibang bumabasa ng sinusulat ko, nagtataka pano ko daw naiisip ang mga kuwento ko. Simple lang ang sagot. Karamihan sa mga sinusulat ko ay totoo. Yun nga lang tinatago ko sila sa mga pangalan na nakakatuwa kasi yun ang paraan ko ng paglalarawan sa kanila. Kaya kung tawa ka ng tawa, mag-isip ka ng dalawang beses baka ikaw na ang dummy character sa isa sa mga blog ko. Bwahahahahahaha!
Sa bandang huli hindi lang pagpapahayag ang naiisip kong dahilan ng aking pagba-blog. Isa itong pagkahilig. Isang adiksyon. Isang matinding bisyo. Daig pa nito ang isang kaha ng yosi na sinabayan ng laklak ng isang bote ng tequila. Parang droga lang ito na hindi ko titigilan kahit isang libong beses pa ko ipa-rehab. Ito ang sagot ko sa napakabilis na maraton ng buhay. Ang mga kuwento ko ay kadalasang larawan ng pagpapanggap. At sa bawat pagtigil ko sa aking routine hinaharap ko ang kabilang bahagi buhay na hindi madaling harapin at tanggapin. At sa pagitan ng bawat teleserye ako ang inyong commercial.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment