Thursday, March 29, 2012

Lights, Camera, Action!

Parang shooting lang ng pelikula. May spotlight, may queue board at may script. May direktor at may mga aktor.

Pag-gising ni haring araw, animo’y lutang na kaluluwa ang mga katawan na sasabak na naman sa hanap-buhay. Mabilis na pagligo. Salamat sa shampoo na mabango at sa sabon na malambot.  Pagkatapos na maligo, panandaliang titigil ang buhay sa pakikipagsapalaran sa kaunting almusal na nakahain sa hapag-kainan. Sabay tuloy ang pakikipagsapalaran patungo sa nagdadala ng kanin sa inyong lamesa – sa opisina. Heto ang unang eksena sa script ni direk.

Sa opisina, magpapatuloy ang telenovela. Doon makikilala ang mga kontrabida  na ali mo’y mga halimaw na nakabantay at nakaabang sa pagkakamaling iyong magagawa. Samantalang nakasunod naman ang mga mata at mga naghahabang tenga ng mga ekstra – mga taong parte ng istorya – pero mga walang ganap sa magandang istorya. Sisigaw si direk ng “cut” at lahat ng tao ay pansamantalang titigil at kunwari’y magugulat sa galit-galitang reaksyon ng mga staff ng produksyon. 

Isang minuto para sa isang yosi at isang basong tubig ang kapalit ng pahingang iyon. Sabay iilaw muli at magtutuloy-tuloy na ang shooting ng pelikula. Babalikan at uulitin ang mga eksenang palpak pero walang matututo sa mga pagkakamaling iyon. Dahil ang pinunong produsyer ay walang pakialam sa kahihinatnan ng kanyang mga aktor. Ang mahalaga ay masunod ang deadline at maibenta sa merkado ang pelikula.

At matatapos nga ang pelikula at itatampok sa takilya. Ngunit hindi ito kikita. Sapagkat bulok ang sistema ng produksyon.  Lahat ng pawis at hirap ay mauuwi lang sa mga luhang natuyo na sa hapo.

Pero gaano man kahaba ang napakahabang drama ng pakikipagsapalaran sa tagumpay at pagkabigo, lahat iyon ay magtatapos sa pamamagitan ng paghalik sa buwan. Tanda na tapos na naman ang araw.


No comments:

Post a Comment