May isang ungas na Atenista ang sumulat ng isang column sa isang pahayagan. Ayon sa kanya, ang wikang Filipino daw ay salita ng kalye. Dapat daw ito gamitin para hindi kuyugin sa pagsakay sa jeepney. Ito din ay wikang dapat gamitin para mag-utos sa isang kasambahay o kaya naman para magpasundo sa driver. Dagdag pa niya mas mainam maging wika ang Ingles.
Para sa akin ang pagsusulat ay may kalakip na responsibilidad. At dahil ang kanyang sinulat ay inilathala sa isang pambansang pahayagan, dapat ay maging sensitibo siya sa mga uri ng taong babasa nito. Hindi ako mahusay magsulat at karamihan sa laman ng blog ko ay galing lang sa aking damdamin, pero ganun pa man nagiging sensitibo ako sa aking iilang followers.
Nagnginitngit ako sa galit sa mangmang na manunulat na ito. Ipinaramdam niya sa akin na kabilang siya sa mga naghaharing uri at ako ay isa sa kanyang alipin. Pero bago pa ako unahan ng aking emosyon, isusuma ko na lang ang ilang puntong dapat niya maunawaan.
1. Lahat ng wika ay nagmula sa kalsada. Walang wikang pinag-aralan muna bago inilathala. Lahat ito ay pinagtibay ng lansangan. Pagkatapos ay pinagyaman lamang ng kultura – at dinagdagan o pinaglinaw ng mga nilalang na nakapag-aral. Isa dito ang wikang Filipino. Samakatwid, hindi dahil galing ito sa lansangan ito ay masama. Hindi dahil Inglesero sya ay kukuyugin na siya ng mga taong kalsada. Sa pagkakaalam ko pa nga mas maingat ang mga taong kalye sa mga taong de-kotse at sa mga konyotik na gaya niya. Ang mga taong may payak na pamumuhay ay mas ilag sa mga taong may karangyaan. Kahit sa Quiapo o Avenida ka pa sumakay, hindi ka kukuyugin dahil lang Inglesero ka. Kukuyugin ka lang kung ma-angas ka.
Nararamdaman kong nag-sulat siya ng hindi niya inaral ng husto ang “subject” niya.
2. Totoong lahat ng teksbuk sa mga pribado at pampublikong paaralan ay nakalimbag sa wikang Ingles (maliban na lang sa mga Filipino subjects). Natural lang iyon. Gamitin niya ng konti ang kanyang katalinuhan. Ang mga subject na Math, English, Science, ay hiniram lang natin sa mga banyagang bansa. Hindi natin kailangan ilambag ito sa sarili nating wika sapagkat walang alternatibo ang mga salitang ito sa ating wika. Kung pipilitin natin ito para lang ipakita ang nasyonalismo magiging kakatwa lang tayo – mga payaso.
3. Walang masama kung kausapin ang mga kasambahay sa salitang Ingles. Malamang sa hindi makakaintindi naman ang mga ito at susunod sa utos. Yung mga katagang: “Water please,” O “Please prepare the car,”ay mga simpleng Ingles lang naman at hindi kailangan ng elementary diploma para lang maunawaan. Kung inisip niya dapat Filipino lang ang salitang dapat gamitin sa mga taong ito, problema niya na iyon sa kanyang “cultural orientation.” Hindi ito problema ng wikang Filipino.
4. Sa paghahanap ng trabaho kailangan syempre matalas kang makipagtalastasan sa wikang Ingles. Hindi dahil makapangyarihan ang salitang Ingles kungdi dahil halos lahat ng kumpanya sa bansang ito ay pag-aari ng mga banyaga. Hindi dapat ituro na kasalanan ng wika ang kawalan ng oportunidad. Sa pagkakaalam ko pa nga kahit ang gobyerno ng Pilipinas, salitang Ingles din ang gamit kapag nakikipagtalastasan sa mga pambansang porum (APEC, UN, etc.). Samakatwid ang salitang Ingles ay ginagamit lang para sa ating “survival.” At pag-uwi natin ng ating mga tahanan, isasara natin ang ating mga panga para makapag-salita ng wikang atin– lamang.
Mainam sana kung sinulat na lang niya na ang mga Filipino ay madalas makalimot ng sariling atin at madalas mabulag sa kinang ng ibang bansa. Mas magugustuhan ko pa kung sinabi niya dapat pagyamanin pa ng husto ang ating wika sa pamamagitan ng mga “makabuluhan” niyang suhestiyon. Pero ang laitin at ikumpara sa mababang uri ang ating wika ay walang kapatawaran. Kaya hindi yumayaman ang bansang Pilipinas ay dahil sa mga gaya niya na walang wagas na pagmamahal sa sariling atin.
Hindi ako magmamalinis at sasabihing hindi ako nagkasala sa sarili kong wika. Ngunit taas noo kong sasabihin na hindi ako kailanman nag-promote na talikuran ang sariling atin.
No comments:
Post a Comment