Thursday, June 16, 2011

Regalo


Ang pag-ibig ay daw ay isang “perfect gamble.” Isa daw itong mapag-udyok na damdamin. Ito ay nagbabago at hindi dapat seryosohin. Hindi ito pumipili ng taong lalapitan at lolokohin. At sa bandang huli ikaw ay iiwan nito at paluluhain. Ganyan ang pag-ibig. Huwad at hindi makatotohanan.

Isa itong sugal na sa bawat lapag ng mga baraha ay dapat may katumbas na malaking taya.

Marami na din akong nasaksihan na naging sawi dahil sa pag-ibig. Meron nga akong kilala na halos lumuwa na ang dila mabuhay lang ang babae na ibig niya. Ayun sa bandang huli olats lang siya kasi sumama na ang babaeng ibig nya sa isang “stateside.” Kawawa naman siya. Ayun balak ata isulat ang talambuhay niya sa MMK, makabawi man lang siya sa mga nagastos niya. Hindi man siya naging matagumpay sa pag-ibig, baka naman daw sumikat sa larangan ng pelikula. Astig! Pa-autograph naman...

Yung isang kaibigan ko nga, binuhay ang isang pamilyang akala niya ay sa kanya. Huli na niya nalaman na nagtatayo pala siya ng isang foundation. Kulang na lang magtayo din siya ng United Nations! Yung isa ko pang kaibigang babae (na mukhang lalaki) hindi niya kinaya nung pinagpalit sya ng super poging boypren niya – naglaslas! Paano ba naman lalaki ang ipinalit sa kanya! Hindi man lang ba niya na-gets na kaya siya pinatos nung lalaking iyon ay dahil “wo-manly” siya?!

Pambihira din ung trip nung isa ko pang kakilala. Pinagtiyagaan niya kasi i-deyt ng tatlong taon ang isang lalaking mukhang unggoy sa kabila ng mala-sutla niyang hitsura. Ayun nauwi din sa simbahan ang kanilang pag-iibigan. Hindi para magpakasal kung hindi para ipagtirik ng kandila ang bawat isa. Nagising kasi si babae isang araw at napag-alaman na si Beast pala ay hindi kailanman magiging isang handsome prince. Kung bakit naman kasi nauso pa ang istorya ni Beauty and the Beast?

Sa bawat pagbabalik tanaw ko sa mga istoryang ito, hindi ko maalis sa isip ko na ang pag-ibig ay isang trahedya. Nakakatakot, nakagigimbal. Hindi ko ito dapat pasukin dahil baka ma-trap ako sa isang bangin. Hindi ko ito dapat suungin dahil hindi naman ako marunong lumangoy. Sapat ng maisulat ito sa mga libro o maging istorya sa isang telenovela.

Ngunit kung ang taong nasawi ay tatalikod na sa pagmamahal, masasabi kong ang taong ito ay hindi talaga umibig ng totohanan.

Ang pag-ibig ay hindi isang pakiramdam. Sapagkat kung ito ay pakiramdam, ito ay magbabago. Hindi ito isang gutom na pagkatapos kumain ay mabubusog na ang tiyan. Hindi ito isang sakit na pagkatapos uminom ng gamot ay gagaling ka na. Ang pag-ibig ay buhay na katotohanan.

Tulad lang ng pag-ibig ng Diyos sa atin: Unconditional. Hindi ito nagbabago dahil tayo ay makasalanan. Bagkus, ito ay mapagpatawad. Ito ay mapang-unawa kahit na social climber ka. Ito ay mapag-bigay. Hindi ito mag-aalangan sa kabila ng pagiging maganda ko at pagiging mukhang hampaslupa mo. 

Ganun ang pag-ibig. Hindi ito dapat pinagdududahan.

No comments:

Post a Comment