Matindi ang trapik. Sumabay tuloy ang tindi ng kumakalam kong sikmura. Kung bakit naman kasi hindi ko naisip bumili ng makakain bago sumakay. Pasado alas-otso na ako nakauwi ng bahay. Ang gutom at pagod ay naghalo na talaga. Ngunit ang pagod at gutom ko ay sinabayan ng nakakabibiglang bungad ng aking ina.
Naipit ang kamay ng lola ko sa makina ng damit. Malalim at malaki ang sugat. Gaya ng karaniwang matatanda, hindi siya nagpadala sa duktor. Sa halip ginamot niya ang kanyang sugat na parang isang eksperto sa larangan ng medisina. Nilagyan daw ng kape para tumigil ang pagdudugo. Ngunit hindi ito naging sapat kaya nilagyan din daw niya ng asukal. Anak ng! Mabuti na lang at hindi naisipang lagyan ng gatas! At sa pag-aakalang hihinto at gagaling ito sa ganoong paraan, binuhusan niya ng amoxicillin ang nakabukas na sugat.
Alam kong mali ito. Kaya wala akong inaksayang oras at dinala agad namin siya sa pinakamalapit na ospital. Alas-nuwebe na noon. Kailangan ng sugat ng mabilisang lunas kungdi sigurado kong tetano ang aabutin ng lola ko. At dahil matindi pa rin ang trapik sa lansangan, sa pinakamalapit na pampublikong ospital nag-park ang aming sasakyan.
Kakaiba ang emergency room na yun. Walang tao sa receiving area. Maghintay daw kami sabi ng guwardiya, may lalapit din maya-maya. Umabot din yun ng sampung minuto bago kami inasikaso. Sa wakas, may nakaramdam na kailangan din pala ng lunas ng aming pasyente. Pagkatapos, pinapasok na kami sa trauma room. At tama ang pangalan ng silid na iyon. Sino man kasi ang pumasok doon ay tiyak na mato-trauma. Pansin kasi ang natuyong dugo sa monoblock chair na tila hindi na pinagkaabalahan pang linisin. Ang kisame ay puno ng agiw. Mabaho ang singaw doon na tila pinaghalo-halong amoy ng dugo, gamot, betadine at alcohol. Hindi din naman naiiba ang sahig nun na ubod ng dumi. Ang nakakakilabot pa ay ang kama ng pasyente dun --- parang himlayan ng mga malapit ng dalawin ni kmt.
Nilapitan kami ng nurse, bilhin daw muna namin ang gamot. Pambihira! Napaisip tuloy ako. Paano kaya kung mamamatay na ang pasyente? Hindi ba nila aasikasuhin kung walang pambili ng gamot? Sumunod pa din naman kami. Ang pharmacy ay katapat lang naman ng ER. May nakapaskil doon na 40% discount handog ng butihing mayora namin. Isang pasyente ang bumulong sa amin, doon daw kami bumili sa tapat ng gate ng ospital. Mas mura daw kasi doon. At totoo naman. Ang gamot na 220 sa loob ng ospital, 170 lang sa labas!
Nang mabili namin ang gamot, saka kami inasikaso ng duktor. Baka daw may bali ang buto. Kasi masyado daw malalim ang sugat. Kailangan daw ipa-xray ang lola ko -- may bayad pa din ito ha. Habang hinihintay kaming matawag, sinubukan kong interbyuhin ang bantay ng pasyenteng katabi namin -- pampalipas oras lang. Tinanong ko kung anong sakit ng pasyente nila. May LBM daw ang bata 3 araw na kaya pinapa-xray. Nagtaka naman ako. Kung may LBM ang bata, bakit kailangan ipa-xray? Buti nalang hindi ako duktor. At kung magka-LBM man ako, siguradong hindi ako pupunta sa ospital na iyon.
Nung tawagin na kami, pinagmasdan ko ang xray room. Gaya ng naunang silid, bagay ang pangalan noon sa kanya --- isang xray room. Meron doon nakakalat na eskeleton ng pinto ng cabinet ng lababo. Ang lababo ay may tubo na tila dating gripo. May bintana ang kwartong iyon na puro kalawang ang bakal na nilipasan na ng pintura. May mga agiw din ang machine. At maliban doon, may mga machine doon na parang eskeleton na lang.
Kagimbal-gimbal ang pangyayaring iyon. Ang gutom na naramdaman ko ay pinalitan ng matinding pagkasuklam sa gubyerno ng siyudad na tinitirhan ko. Habang nag-aagawan sila sa posisyon ng lokal na pamahalaan, maraming pagbabago na hindi mabago dahil sa kasakiman sa kapangyarihan. Habang pinagyayabang nila ang maskarang ginawa nila sa imahe ng lungsod na iyon, marami din ang nagsusupot ng mukha sa kahihiyan ng pabaliktad na pag-unlad ng aming pamayanan.
Sana lang bago pagandahin ang imahe ng kanilang liderato, subukan nila na pagandahin ang serbisyong kailangan ng tao.
No comments:
Post a Comment