Tuwing nakakapanood ako ng pagtatanghal sa entablado, palagi ko hinahangaan ang mga aktor na bukod-tangi ang talento sa pag-arte. Kasi naman pambihira ang kanilang kakayanan. At sa bawat dula na kanilang itatanghal hindi nauubos ang enerhiya at husay nila. Ano pa't talagang mahusay din ang direktor at napili nila ang tamang taong gaganap sa bawat role ng kanilang istorya.
Pero alam niyo ba na ang tunay na bida ng mga dulang ito ay hindi ang direktor o mga artista? Ang tunay na bida ay iyong mga munting diwa na nasa likod ng mga produksyong iyon. Ang husay ng mga istorya ay nagmumula sa isa o dalawang nilalang na umisip at nagsulat nito. Ang ganda ng entablado, ganda ng mga costume at ang husay ng mga ilaw ay angkin ng mga nilalang na nagkabit o nag-ayos nito.
Ngunit, ano man ang kanilang naging papel sa produksyon na ito, hindi ito makikita ng nakararami. Dahil ang hindi lumabas sa pagtatanghal ay sa papel lang nakikita. At ang papel na pinagsulatan ng pangalan nila ay malulukot, maluluma at itatapon na. Ganun yata talaga ang papel ng mga nilalang na nasa likod ng mga kurtina. Alam ng lahat na nasa likod sila ng kurtina ngunit hindi lahat mapapansin ang kanilang presensiya.
Parang love triangle ng isang telenobela. Mahal ng isang aktor ang bida kaya lang naisulat na sa script na iba ang totoong mamahalin ng bida. Sa huli magmamasid na lang siya. Makukuntento kung hanggang saan ang itatagal ng pelikula. Ganun din naman sa isang trabaho. Ikaw ay bahagi ng isang grupo. Gagawin mo ang lahat para maging angat sa iba ngunit sa lider ng grupo mapupunta ang credit. Parang sa isang pamilya, ikaw ang nagbigay ng lahat ng bagay ngunit mas mapapansin pa din ang black sheep ng pamilya. At ganun din sa tunay na buhay, ikaw ang naghirap ngunit may ibang makikinabang at magpapakasarap.
No comments:
Post a Comment