Monday, April 19, 2010

Gusot. Ang tawag sa bagay na may lukot. Isa itong kulubot. Isang lukot na maaring di sinadya o maaring dulot ito ng isang pagpapabaya. Karaniwang nakikita sa papel na nilukot. O sa damit na kalalaba lang. Gusot. Lukot.
Nakakabahala at nakakalugmok.

Naranasan mo na bang maging bahagi ng isang gusot na hindi ikaw ang may gawa? At dahil wala kang iba pang magagawa ay kailangan mong makiagos na lang? Naramdaman mo na bang ipagtanggol ang sarili mo sa bagay na dulot ng pagpapabaya ng ibang tao? Ngunit hindi ka puwedeng magdahilan at kailangan mo lang daanin sa katwiran? Nasubukan mo na bang ayusin ang gusot na hindi sa iyo? At sa paggawa noon ikaw pa ang lalabas na may sala?

Ang totoo niyan, madalas sa hindi ay nararanasan ito ng tao. Likas kasi ito sa mga taong may puso --- kahit pusong bato pa yan. Ang initial reaction natin ay palaging umiwas o kaya naman rejection na lang. Bakit ang hindi? Mas madali kaya ang umiwas. Mas masarap kaya ang pakiramdam ng nawawala sa limelight o center of attention. Bakit naman natin kailangan ipagtanggol ang ating sarili sa bagay na hindi ikaw ang may gawa, di ba? Para kang kumuha ng bato ng ipupukpok mo sa sarili mong ulo. Aray! Wag na lang!

Tama naman iyan. Lalo na kung makakaiwas ka sa kaguluhan. Ngunit tandaan lang na hindi lahat ng oras ay lalabas si Voltes V para maglabas ng force shield sa'yo. May pagkakataon din na kailangan ilabas mo din ang iyong laser sword para labanan ang kampon ng kadiliman.

Hindi ito madaling gawin. Lalo na at gagamit ka ng kame-hame wave para lang manalo sa laban. Ngunit ang bawat gusot na iyong pagdaanan ay isang level up sa laro ng buhay. Mas mainam na ang lumaban. Kaysa naman pabayaan ang mga mahal mo sa buhay sa ganitong klase ng laban. Mas madali ang masaktan kaysa makasakit ng ibang tao.

Ganito lang palagi ang iniisip ko. Lalo na kapag ang maraming tao ay lagi akong dinadala sa mga sitwasyon na ganito. Pinagpapalagay ko na nagtitiwala sila sa akin. At sa palagay ko naman matibay ang plantsa na gamit ko.


Monday, April 12, 2010

Idol ko si Piolo

Hindi ko hilig ang manood ng telebisyon. Kaya kapag may napapanood ako o nakikita sa telebisyon, ito ay tumatatak at nag-iiwan ng bakas sa isip ko. Nung minsang pagpihit ko sa remote control, isang Tagalog na pelikula ang sumabay dito. At ginulat ako ng bidang lalaki ng bitawan niya ang linyang ito: "Kapag niyakap ba kita, happy ending na tayo?...."

Isang madamdaming tagpo. At dahil hindi ako masyadong panatiko ng ganitong uri ng drama, nilipat ko ulit ang channel. Aakalain ko ba naman na isang political ad ang babandera sa paningin at pandinig ko?

Hindi naman mahusay ang isip ko pero di ko naiwasang ibalik sa buwisit na pulitkong iyon ang tanong: "Kapag ba niyakap ko ang adhikain mo, happy ending na ang buhay ko bilang isang Pilipino? Kapag ba sinabi mong galing ka sa hirap ibig sabihin may magagawa ka na sa bayan ko?

Sampu sa sampung political ads na napapanood at naririnig natin sa telebisyon at radyo ay parang pelikula. Kasi naman pinagbibidahan ito ng mga dramatista. Ang pinagtataka ko lang, bakit hindi sila bukas sa pagsasabing: MAYAMAN SILA PERO MAY MAGAGAWA PA DIN SILA. Naiirita ako kasi sa bawat ad nila, lagi nilang sinasabing mahirap sila o galing sila sa hirap kaya dapat iboto din sila. Ginagawa nilang sumpa ang kahirapan at kunwari isa silang mensaherong tagapaglitas sa kanser ng lipunan.

Kung aaralin natin ng maigi ang kanilang sinasabi, hindi nila matuwid  na naipapahayag ang kanilang plataporma. Halimbawa, kung sinasabi ng kanilang ad na iaahon nila ang Pilipino sa hirap, paano nila gagawin ito? Hahatiin ba nila ang kanilang yaman atsaka ipambabayad sa utang ng Pilipinas sa World Bank? O mangungutang ulit sila para hindi magalaw ang mga tagong yaman nila? Kapag sinabi nilang may trabaho para sa mamamayan, trabaho ba ito na makabubuhay ng pamilya o pantawid gutom lang? Ito ba ang hanapbuhay na akma sa kursong tinapos nila?

Meron isang tumatakbong para Senador ang umapila sa taong-bayan. Iboto daw siya kasi ipinakulong siya noon. Tama ba ito? Sa pagkakaalam ko kaya kumakandidato ay dahil may interes sa serbisyo publiko. Kailan pa naging MMK ang lehislatura? Sana maging malinaw siya kung ano ang link ng pagkakakulong niya sa pagnanais niyang makapaglingkod sa bayan ko.

Hindi ko sinasabing wala ng pag-asang nakataya sa mga kandidatong ito. Kailangan lang maging mapanuri. Hindi palaging pelikula ang palabas sa TV. Tandaan: may commercial din. At mas madalas ang patalastas kaysa sa aktwal na palabas. Maaaring matandaan natin ang paulit-ulit na patalastas na ito. Mahuhumaling tayo at mae-engganyo. Pero kagaya ng linyang binanggit ni Piolo, ibig bang sabihin nito happy ending na tayo?