Ang buhay ay isang awit. Isang himnong may katapat na titik. Isang piyesang nilapatan ng mga nota at binagayan ng instrumentong magbibigay sigla dito. Kasabay nito ay ang musikerong tutugtog o kaya ng mang-aawit na kakanta ng melodiya. At dahil isa itong awit, kailangang maingat na pipiliin ang kompositor na gagawa nito.
Ang buhay tulad ng awit ay kinakailangan paglaanan ng oras at panahon. Ito ay isang ganap na istorbo sapagkat hindi ka dapat tumigil sa pagmamatyag nito.
Tulad ng isang awit, ito ay minsan mabilis ngunit bigla na lang babagal. May tempong akala mo ay humahanap ng away o kaya naman ang nais lang ay makapukaw ng atensyon ng karamihan. Minsan may dadaan na akala mo'y wala ng bukas ang pag-awit. At meron din naman dadaan na parang isang piyesang di natapos at di mo mararamdaman. Kasabay ng lagaslas ng damo sa kapaligiran at ng malakas na ihip ng hangin, ito ay inaawit ng may pag-antabay. Kungdi naman, ito ay mapapabayaan at mawawala sa tono o sa tiyempo.
At dahil nga ito ay isang awit, kailangan nito ng mikroponong makakapag-parinig ng kanyang mensahe sa sanlibutan. Isang awit na makakapukaw ng damdamin at makakapagparanas ng iba pang saloobin.
Gaya ng iba pang mga awit, ang buhay ay maiksi lang. Ito ay may katapusan. Sa kadalasan hindi natin alam kung kailan.
No comments:
Post a Comment