Sunday, August 30, 2009

Commercial Muna


Marami ang nagtatanong sakin. Ano daw ba ang nagagawa ng pagba-blog ko? Ano ba ang napapala at nakukuha ko? Bakit kailangan mag-blog ako? Anong silbi nito sa buhay ko? Ang mga ito ay mga lehitimong pagsusuri ng aking mga kritiko. Ang ilan naman tinatanong ng mga sumusubok ng aking bait. Akala siguro ng iba, may potensyal na maging Sisa ako sa hinaharap. Pero dapat ko aminin. Siyempre di naman ako showbiz. Paulit-ulit ko din tinatanong sa sarili ko ang mga sagot sa tanong nila. Wala pa din akong konkretong sagot na maibigay. Bukod kasi sa math, hindi rumerihistro sa utak ko ang mahihirap na tanong. Lalo na kapag test of skill lang naman ang tanong sa akin.

Aksaya ng oras yan ang tawag ng ilan. Tanong ko naman, bakit binabasa nila? Tapos may pakialamera pa na akala mo pinakamagaling sila! Hindi naman kailangan mag-ingay para mapansin o magpapansin. Meron naman ilan na tumatango at ngumingiti lang. Hindi lahat ng pagtahimik ay nangangahulugan ng pagsang-ayon. Kadalasan pa nga, ito ang pinakamabisang paraan ng pagtutol. At ramdam ko yun. Hindi naman mahina ang senses ko. Kaya yung mahilig ilabas ang mga gilagid nila para kunwari'y sumasang-ayon ang madalas na sumaksak patalikod. Pero siguraduhin niyo lang sterilized ang kutsilyo para mabubuhay pa ko pagkatapos.

Kadalasan sa hindi, mas madami ang pumupuna kaysa sa pumupuri. Di ba nga ang noypi kilalang magagaling na kritiko? Tingnan mo dahil duon ilang beses nagkaron ng bersyon ng Edsa. At dahil din dun kaya hindi nila mapabagsak ang rehimen ni Gloria. Ha ha ha. Ang ilan pa nga itinuturing akong isang mabuting halimbawa ng kumedya na ari mo'y isang sakit na nakakahawa. Kaya tuwing magsusulat ako, dalawang beses ko pinag-iisipan ng husto kung ipagpapatuloy ko ba o hindi ang susunod na kuwento ko.

Pero bakit naman ako magpapatalo sa kanila? Habang may nagagalit at pumupuna nangangahulugan iyon na hindi ako nag-iisa. Negatibong kumento ang nagpapatunay na nakakaantig ako ng damdamin ng iba. Bakit kaya? Ganito yun. Parang episode ng MMK lang. Napapag-isip ng ilan na kagaya sila ng ilan sa mga tauhan ng kuwento ko at di nila matanggap na napansin ng iba ang uling nila sa mukha. Hindi naman ako nanglalait. Nagsasabi lang ng totoo. Yun nga lang madalas eksaherado. At dahil masakit malaman ang katotohanan, karamihan sa atin nagbubulag-bulagan. Dahil hindi madali tanggapin ang totoo, galit-galitan ang drama mo. Nagtatago ka sa maskara ng hollow ni Ichigo. Dapat mag-audition ka na lang sa Star Struck!

Sa totoo lang hindi madali ang magsulat. Lalo na sa wikang Tagalog. Sinabi ko na ito dati, inulit ko lang. Sobrang hirap lalo na kung wikang banyaga ang bumubuhay sayo. Kaya nga Taglish ang ginawa kong uri ng pag-sulat. Playing safe, ika nga. Sabi ng kaibigan ko free reign writing daw ang paraan ng pag-sulat ko. Ang tawag ko naman dito satiriko. Habang ang karamihan ay pinapayaman ang balarila ni Uncle Sam, dumudugo naman ang ilong ko kaka-translate ng wika ni Juan. Halos lahat kasi ng salita asimilado na. Sinusubok ko din kung hanggang saan ako tatagal ng hindi umiinom ng isang basong tubig na may laman na Ingles!

Yung ibang bumabasa ng sinusulat ko, nagtataka pano ko daw naiisip ang mga kuwento ko. Simple lang ang sagot. Karamihan sa mga sinusulat ko ay totoo. Yun nga lang tinatago ko sila sa mga pangalan na nakakatuwa kasi yun ang paraan ko ng paglalarawan sa kanila. Kaya kung tawa ka ng tawa, mag-isip ka ng dalawang beses baka ikaw na ang dummy character sa isa sa mga blog ko. Bwahahahahahaha!

Sa bandang huli hindi lang pagpapahayag ang naiisip kong dahilan ng aking pagba-blog. Isa itong pagkahilig. Isang adiksyon. Isang matinding bisyo. Daig pa nito ang isang kaha ng yosi na sinabayan ng laklak ng isang bote ng tequila. Parang droga lang ito na hindi ko titigilan kahit isang libong beses pa ko ipa-rehab. Ito ang sagot ko sa napakabilis na maraton ng buhay. Ang mga kuwento ko ay kadalasang larawan ng pagpapanggap. At sa bawat pagtigil ko sa aking routine hinaharap ko ang kabilang bahagi buhay na hindi madaling harapin at tanggapin. At sa pagitan ng bawat teleserye ako ang inyong commercial.

Saturday, August 29, 2009

Ang Kasunod sa nauna kong blog. Ito ang pagpapatuloy ng kwento ng Tropang Ugok. Sakay ka na at wala akong sasakyan, okay?!

Whoooooaaaah!!


Ang haba ng title 'no?!



In loving memory of Roden. Den, para sa'yo ang kwentong ito. (Manny Pacquiao mode)



Matapos sumakit ang tiyan ng mga ugok sisimulan ko na ang susunod na kabanata.

Disclaimer: Sa ngalan ng patas na pamamahayag, isa-isa ko silang ikukuwento sa inyo. Ika nga ng iba, justice is serve. Walang kuneksyon. Ride ka lang.

Ngayon ikukuwento ko sa inyo si Ugok 1. Kagaya nga ng sinabi ko sa naunang blog, nasabi ko na yun kaya di ko na uulitin. Basahin niyo na lang kung gusto niyo malaman. Mas masaya mag-back track!

Sa labis na gutom ni Ugok 1, naisipan niyang bumili ng BLT sa Oliver's SS. Wow! May budget! Pero hindi niya alam ang ibig sabihin ng BLT kaya ibubulong ko sa kanya. Kunwari di niyo narinig ha. BLT stands for Bubuyog, Langgam at Tipaklong. Akala niyo pagkain 'no? Sa Oliver's Superpet Shop kasi siya pumunta. Akala niyo Oliver's Super Sandwiches 'no? E di wala ng thrill ang story ko? Hmmp!

Pero bakit ba BLT ang binili niya? Ganito kasi yun. Malungkutin si Ugok 2 at kapag mag-isa lang siya sa kanyang mga gig gaya ngayon, puro matitino ang nakakausap niya. Kaya naisipan niya magkaron ng pet para may kalaro siya at mapaglibangan. Pag di ka nagbabasa ng maayos, mapapansin mo na hindi Ugok 1 ang sinulat ko. Hindi typo yun. Sinusubukan lang kita kung talagang nagbabasa ka. Kaya ayan babalikan mo ang naunang pangungusap para mapatunayan na nagkamali ka. Ha ha ha.

E bakit yun ang pet na gusto niya? Kasi mahal niya ako, mahal ko rin siya kaya kaming dalawa ay laging magkasama (parang aso lang).

At dahil bago ang kanyang mga alaga, ginawan niya ito ng sobrang gandang bahay ---- ang lupa sa paso ng halaman nila. Gabi na nun kaya kailangan na ng rest ng kanyang pets. Minimum of 12 hours dapat para lumaking healthy and strong. Pero para lalong lumaking strong, dapat uminom ng gatas. Iba kasi ang laki sa gatas. Matibay ang isipan. Kaya bumili siya ng:

Siyempre Magnulya lang (Magnolia -- sa commercial ni M.Pacquiao). Alam ko na akala niyo Bear Brand 'no. Noon pa man, Magnulya na! Kaya "Drink yur Magnulya melk pers."

Masyadong mahaba ang araw niya, kahit gabi na. Naramdaman niya ang uhaw sa kanyang lalamunan. Malamang sa lalamunan niya mararamdaman yun, san pa ba? Ayun naisipan niya uminom. Nung....you know. You know. Vitwater.

Tapos na.

Sino may angal?

Friday, August 28, 2009

Tulog Ka Na Ba?

Para kay Kelly Sue


Wag ka madi-disappoint




Naranasan niyo na bang hindi makatulog sa gabi? Yung pakiramdam na kahit sampung beses ka tumambling ay hindi pipikit ang mga mata mo? Tumalon ka man ng isang libong beses at awayin mo pa ang katabi mo para mapagod ka pero la epek pa din. Parang mainit pero bukas naman ang aircon. Parang gutom ka pero isang bandehadong kanin ang kinain mo. Yung pakiramdam na iiyak ka pero naubos ang luha. Inaantok ka pero wala kang dream catcher kaya hindi ka makatulog at natatakot ka lumabas ang wicked witch sa nabasa mong fairy tale? Kulang na lang uminom ka ng isang boteng ativan. Haaaaayyy....

Insomnia!

Isa itong sumpa na hindi mo maiiwasan kahit magtago ka pa sa ilalim ng lupa! Minsan nga inisip ko pa magpa-misa para lang dalawin ako ng espiritu ng antok! Sinubukan ko nga suhulan yung pastor namin para lang ipadala niya ang kaibigan niyang anghel de la antok. Pero walang nangyari at nabigo lang ako.

Minsan may nag-sabi saken na magbilang daw ako ng tupa para makatulog. Sabi ko, walang tupa sa Maynila! Kaya binilang ko na lang yung pigsa sa mukha nung kapitbahay namin. Kaya lang mahina ako sa math, kaya nung maubo ako biglang nawala ako sa bilang. Inulit ko ulit sa simula! Shet lalo lang nagising ang diwa ko. Yung isang kaibigan ko nagsabi mabisa daw kung papagurin ko ang mga mata ko. Manood daw ako ng DVD. Aantukin daw ako. Sinunod ko naman at nanood ako ng series na DVD. Sa sobrang ganda ng palabas, natapos ko na ang palabas. At totoo nga naman epektib! Dahil umaga na ng matapos ko ang palabas! Hindi ko na kailangan pang matulog. May bonus pa yun dahil lalong lumaki ang bill namin sa Meralco.

Sabi naman nung isa ko pang kaibigan, uminom daw ako ng gatas. Siyempre uto-uto ako kaya sinunod ko. Nakalimutan ko acidic nga pala ako. Ayun lalo akong di nakatulog sa sakit ng tiyan ko. Makarma sana yung nagpayo saken. Grrrrrr.... Nag-iisip tuloy ako kung talagang kaibigan ko nga siya. Hmmmmm....

Dahil trahedya lang naman ang nararanasan ko sa pakikinig sa iba, naisipan ko maging creative na lang. Ika nga, love your own! Lamang din lang naman na hindi ako makatulog, bakit hindi ko pa idamay ang iba? Aba, bakit ako malulungkot mag-isa kung kaya ko naman isali ang iba. Bwahahahaha.

At dahil teki na lahat ng tao, dapat teki na din ang paraan ko: text marathon! Naisip ko imbentuhin ang text quote na ito:

Text 1: Tulog ka na ba? Sorry, nagising kita. Di pa kasi ako tulog. Pasensya ka na, sige tulog ka na ulit. Pero meron lang akong tanong, kung gising ka pa bakit di ka pa tulog?

Text 2: Tulog ka na ba? Ako hindi pa. Pag di ka nag-reply ibig sabihin tulog ka na. Kaya lang meron bang tulog na nagbabasa ng text? Pero kung gising ka pa at di ka nag-reply bakit di ka pa natutulog?

Ayun epektib! Maraming sumasagot at nagalit saken. Akalain mo pinagbintangan akong ginigising ko daw sila? Whoooah!!! Para sinend ko lang naman ng apat na beses na sunod-sunod yung text.

Lumuwag ang pakiramdam ko. Masaya sa pakiramdam na malaman na hindi na lang ako ang nag-iisang gising sa disoras ng gabi. Kaya ayun, ilang minuto lang tulog na ko.

Kaya magmadali! Ibigay mo na saken ang mobile number mo para ma-experience mo din ang na-experience ng iba. Ika nga sa English: "The more, the merrier!" Sisiguruhin ko na ang text ko sa iba ay ite-text ko din sayo. Hehehehe.

Good night!

Thursday, August 27, 2009

Tropang Ugok

Para kay Roden at Leo


Mahirap manuri ng mga tao. Lalo na kapag hindi ka naman manunuri. Pero mas mahirap naman manuri kapag hindi na kailangan suriin ang tao. Parang yung tropang kilala ko.
Sa isang di kalayuang bayan na ang tawag ay Joke City, may isang tropang di kilala ng kahit sino man. Kaya nga ipapakilala ko sila sa inyo ngayon e. Sila ang samahang hindi ginagaya at ayaw gayahin nino man. Kahit ako pa. Ang chaka!
Ang mga miyembro nila ay talagang ordinaryo pero di agad makakalimutan ang kanilang pangalan dahil hindi ito pinag-isipan. Ang unang miyembro ay si Ugok 1, sinundan ni Ugok 2, sunod si Ugok 3 at ang huling miyembro ay si Ugok 3. Ay mali Ugok 4 pala. Waaaaaaah!!! Talagang nakakahawa sila.
Sila ang: TROPANG UGOK! Tarantan-tanan tan-tan, tarantan-tanan tan-tan, tanananan tanananan. (Voltes 5 mode)
Si Ugok 1 ang number 1 ugok sa kanilang 4 (di ba obvious sa pangalan?). Si Ugok 2 naman ay isang ligo lang ang talo kay Ugok 2 at kalahating ligo lang ang lamang kay Ugok 3. Habang si Ugok 4 naman ay nahawaan lang ng ka-ugukan ng 3 (pero meron na siyang skill, dinevelop lang).
Minsan nagutom ang tropa at naisipan nilang matulog. Hindi dahil ayaw nila kumain kungdi dahil ugok nga sila. Nang sila ay gumising, nagisnan nila ang kadarating lang na si San Pedro na may dalang 2 itlog. Galing kasi sa Pateros si San Pedro tiningnan kung puwede ng pansabong ang mga itik. Ayun ang nakita lang niya ay itlog ng itik na kung tawagin ng matitino ay balut.
Hiningi agad ng Tropang Ugok ang dalang itlog ni San Pedro. Kinain nila ito. Hati-hati silang apat. Nang maubos nila ito, saka nila napansin ang mabahong amoy ng itlog. Bugok pala ang itlog. Wehehehe. Ang takaw kasi. Buti nga.
Itutuloy


Joke lang!
Nang di lumaon sumakit ang tiyan ng Tropang Ugok.

Sige na nga itutuloy na lang talaga. Kawawa naman ang mga Ugok masasakit na ang tiyan.

Tuesday, August 25, 2009

Sina B1 at B2 at ang mga kaibigang Os-o


Mga Tauhan Sa Kwento:
Bida:
B1 at B2
Mimi
Lulu
Morgan
Kontra-bida: Dodeng Daga (Rat in a Hat)
Men In Black and White
Bidang Kontra-bida: Ruby
Cameo Role:
Ugok 1-4

Ang Istorya:

Sina B1 at B2 ay nakatira sa malayong kaharian ng mga saging. Bagong lipat lang sila sa lugar na iyon. Dati silang mga villagers sa Dasma. Lumipat sila sa lugar na iyon nang sulsulan sila ni Dodeng Daga na mag-avail ng goods and services. Binentahan sila nito ng isang bahay bakasyunan pang-Work Life Balance. Kaya ng mala-milagrong ma-aprub ang VL nila, naisipan nila mamundok na lang (parang NPA lang di ba?). Sang-ayon kay Dodeng Daga, ang lugar na ito ay may perpekto at mabilis na sistema at walang outages. Wala ditong order
delays at NOCout notices. Sa madaling salita, isa itong ideal world. Isa itong tahimik at payapang kaharian na pinamumunuan ni Ruby, isang tigre na bumubuga ng apoy. At dahil bumubuga siya ng apoy, hindi siya magsasalita sa blog na ito. Baka masunog pa ako!

Trendy at makabago sina B1 at B2. Dala nila ang kanilang PSP at laptop nung mamasyal sila sa park para makipag-EB sa mga Os-o. Medyo late na sila ng 2 oras sa date na iyon. Nagulat sila ng malamang may gate pala ang park at may entrance fee pa ito. Hinarang sila ng Men in Black and White at sinabihang: "Pakisuot lang ID niyo!" Napakamot ng ulo si B1 at tinangkang tanungin si B2 kung may ID ba silang dala. Mabuti na lang nagmartsa palapit sa kanila sina Ugok 1, 2, 3 and 4 na may dalang dog tag na may nakasulat: "ID Ito". Ayun. Na-solb ang problema. Ayos!

Nang makapasok na sila sa park, nakita nila ang nakangiting si Lulu kasama nina Morgan at Mimi na may dalang pagkain na binili nila sa 7/11. Hindi kasi masarap ang pagkain sa pantry. Pagkatapos ng 10 minutong usapan, nagutom na ang mga magkakaibigan. Saktong isusubo na nila ang pagkain ng lapitan sila ng Men in Black and White at nagsabing: "Ma'am/Sir, bawal po kumain ng poteto chips! Ililista ko po ang pangalan niyo."

Sa labis na kalungkutan, binuksan na lang ni B2 ang laptop na hawak ni B1 para makapag-facebook. Maglalaro na lang sila ng Mafia Wars. Ten minutes mula ng mag-log in sila ng maramdaman nila ang system slows. At dahil kilalang mahusay na mekaniko si Morgan, siya na lang ang umayos ng laptop. Ang resulta ng kanyang imbestigasyon: madami kasi silang gumagamit kaya mabagal ang application, bibilis din iyon mamaya. Pagkalipas ng tatlong oras, hindi pa din sila maka-konek sa internet. Dun lang naalala ni Mimi na hindi nga pala gagana ang wireless broadand sa lugar nila. Wala kasi ito sa GMAP. Bukod pa dun, nabanggit sa unang paragraph na ideal ang kahariang iyon. Siyempre para matupad ang ideyalismo na iyon, dapat walang broadband! ('Pag di mo na-gets, slow ka! Bwahahahahaha!).

Naisipang mag-reklamo nina B1 at B2 sa kinauukulan. Sinamahan sila ni Lulu sa himpilan ng pulis pangkalawakan. Nakita nila si Shaider at Amy at sinumbong nila kay Tulfo ang problema. Kaya lang Linggo yun, sarado na ang himpilan ng Bitag.

Tumawag na lang sila sa hotline. Doon, nakausap nila si Dodeng Daga na bumati ng: "Why should I help you?" na may malakas at matinis na tinig (perky lang). Agad na umangal si B1 at B2 at tinakot na lilipat na lang sila sa kaharian ng mga maligno.

Agad na bumanat si Dodeng Daga: "Sir, Terms and Conditions apply."


Monday, August 24, 2009

Ang Langaw na Bangaw


Minsan sa isang maduming bayan, may isang langaw na ang ngalan ay Bangaw. Hindi naman siya bangaw kungdi isang langaw ngunit Bangaw ang pangalan niya. Nakakatuwa kung iisipin dahil kahit mukha siyang bangaw, isa lamang siyang langaw.

At Bangaw nga ang tawag sa kanya.

Si Bangaw ay mayabang na langaw. Iniisip niya na dahil Bangaw ang tawag sa kanya, isa na siyang mataas na uri ng langaw. Bukod sa pagiging mayabang, mahilig din si Bangaw sumakay sa ibabaw ng kalabaw. Pagkatapos sisigaw siya ng: "Up, up in a way!" Hindi niya alam ang ibig sabihin nun pero wala siyang paki. At dahil marunong siya mag-English, feeling niya sosyal siya. Sosyal na langaw. Parang yung mga "friends" niyang kolehiyala sa IS. Pero hindi siya dun nag-aaral.

Dahil marunong siya mag-English (nosebleed) pero di niya alam ang ibig sabihin nagkaron siya ng circle of friends. Di naglaon, nag-tayo siya ng neighborhood of friends. Siyempre, wag ka na magtaka dahil siya din ang founder-president ng grupong yun. Self-appointed. Walang naka-angal kasi hinamon niya ang mga kasamahan niyang langaw ng: "Talk to my lawyer!" Astig.

Minsan naisip ni Bangaw na yayain ang mga ka-sosyalang langaw sa isang bar. Wala silang pera kaya nag-bar flying na lang sila. (Dagdag karunungang hindi niyo dapat matutunan at tandaan: Hindi ginagamit ng mga langaw ang salitang bar hopping kasi hindi naman sila tipaklong. Hindi sila nagho-hop. Lumilipad lang. Kaya nga ang English ng langaw ay fly). Namimili sila ng bar na papasukin kasi ayaw nila matawag na loser ng "Society of Friends." Ang minimum requirement: dapat may pogi sa loob ng bar! Pogi, mayaman at dapat ililibre sila ng drinks pagkatapos sumayaw ng Beautiful Girls (ni Sean Kingston hindi ni Jose Mari Chan! Utang na loob).

Nang napagod na ang mga kasamahan niyang langaw kakasayaw sa music na Jae Ho, napagpasiyahan na lang nila dumapo sa mga tira-tira. At dahil sosyal siya ang sabi niya in English (nosebleed ulit): "Yuck! You're such a loser yaya! Is that your best?"

Nagalit ang kanyang mga kasamahang langaw kaya hinamon siya ng mga ito. Lumipad si Bangaw habang sumasayaw sa saliw ng musikang Nobody But You. Sa kanyang paglipad, naamoy niya ang napakabangon sizzling sisig na kahahango pa lang sa apoy este grill para sosyal din. Mayabang na sinagot niya ang kanyang network of friends: "I'll show you what I've got." (nosebleed pangatlong beses na) sabay dapo sa napakainit na sizzling plate.

Ayun natepok siya.

Tapos na din ang kuwento ko.

Sunday, August 23, 2009

Ang Blog Na Ito

Hindi para sa'yo ang blog na ito. Siyempre alam ko na di ka makikinig sa'kin kaya nga binabasa mo pa din ang blog na ito. Pero dahil sinabi ko na hindi para sa'yo ito, wag mo na ipagpatuloy ang pagbasa nito.

Sadyang makulit ka at gusto mo pa malaman ang katapusan nito patuloy pa din ang pagbabasa mo. E ano naman kung di para sa'yo. Ang gusto mo lang mabasa hanggang dulo.

At ganun nga ang nangyari. Patuloy ka pa din sa pagbabasa kahit alam mo na hindi para sa'yo ito. Napukaw ko na ang atensyon mo. At dahil di ko nga nabanggit kung para kanino ito, iniisip mo na puwede mo ito basahin kahit hindi naman sa'yo. Kahit walang kuwenta ang blog na ito, wala kang pakialam dahil gusto mo basahin ito. E bakit ba binabasa mo ito? Gusto mo ba i-dedicate ko pa sa'yo ito ganung sinabi ko na nga na hindi sa'yo ito? Tapos gusto mo isipin ko na pasalamatan ka dahil binabasa mo ito.

Siyempre, pag sinagot mo ang tanong ko ibig sabihin iniisip mo na puwede mapasa-iyo ang blog na ito. Patunay lang iyon sa pagnanasa mo na basahin ang blog na ito kahit hindi sa'yo ito. Angkinera ka kasi.

Siyempre magre-react ka at sasabihin mo hindi yun totoo. Sasabihin mo ng malakas na conceited ako. At bigla ka tatawa kasi nahulaan ko ang iniisip mo. Magmumura ka pa ng "siyet" o kaya magpapaka-sosyal ka sa pagsabi ng "fu*k."

Tapos iisipin mo para kanino ba talaga ang blog na ito? Di ko din alam kung para kanino ito pero sigurado akong hindi para sa'yo ito. Patuloy lang ang pagbasa dahil sa totoo lang ayaw ko na tapusin ito tutal naman ayaw mo din tumigil sa pagbasa.

Ang blog na ito ay di para sa'yo. Yun ang sigurado. Ayos?!

Subok Lang

Karamihan sa mga babasahin ngayon mula nobela hanggang sa magasin o komiks nakasulat sa Wikang Ingles. Kahit Pilipino ang nag-sulat, sa Wikang Ingles pa din nakasulat. Hindi dahil sa hindi sila makabayan o kaya gusto nila lalong sumikat. Kungdi dahil mahirap talaga ang balarilang Pilipino. Kahit nga si Bob Ong na isang henyo sa pag-sulat ng mga librong nasa wikang Pilipino aminado sa reyalisasyong ito.

Minsan nagku-kuwentuhan kami ng isang bagong kaibigan. Hirap na hirap daw siya magpahayag ng kanyang saloobin. Inisip niya na pinakamabisang "form of expression" daw ang blog. Pero natatakot daw siya magsulat kasi hindi daw siya mahusay mag-Ingles. Kaya binalak niya isulat na lang sa Tagalog ang blog niya. Ayun, hanggang ngayon nananatiling plano pa din ang gusto niya. E sa mahirap talaga mag-sulat e. Lalo na pag walang bayad.

Kaya susubok din ako. Magpapanggap na pwede ko din gawin ang kaya ng iba. Kunwari isa din akong dalubhasa. Nakakatawa.

Susubukan ko ikwento ang mga pangyayari sa buhay ko sa pagsulat sa wikang Pilipino. Mahirap yun, pero magaling naman ako mag-imagine. I-imagine ko na lang na maiintindihan niyo ang sinasabi ko kahit hindi naman. At magpapanggap ako na isang maayos na pag-sulat ang aking ginagawa at gagawin.

Subaybayan niyo ha....