Monday, May 30, 2011

Anawangin Island Adventure

Lunes pa lang ng linggong iyon. Hindi talaga nawawala ang itim na ulap. Animo'y parang galit na galit ang langit at iniluluha nya ng malakas ang kanyang pagtangis. Kahindik-hindik. Padating pa lang daw ang bagyong iyon -- si Chedeng. Aba naman at talagang Sabado daw ang dating nito sa lupa ng 'Pinas! Biyernes ng gabi ang alis namin papuntang Zambales. Whoooahhh!!
Bigla akong naging madasalin. Lahat ata ng santo, tinawag ko bigla. Ganun ata kapag makasalanan, tumatawag lang ng tulong kapag kailangan na. Pero pasalamat pa din ako. Medyo malakas pa din ako kay Bro. Miyerkules ng in-announce ng PAGASA na hindi na daw mararamdaman ng bansa ang lupit ni Chedeng. Hindi nga lang nila nabigyan ng emphasis na sa dagat ito maglalagi.

Kaya ayun, nung May 28 hindi kami pinaligtas ni Chedeng.  Sinalo namin ang lupit ng ulan at ang hampas ng mga alon habang binabagtas namin ang dagat mula Pundaquit papuntang Anawangin. Hindi pa man din kami nakakalangoy, basa na ang mga dalang suot namin. Magaling di ba?

Pero ayos lang. Kasi nung makadaong ang bangka, nakita ko ang isang munting paraiso sa tabi ng dagat. Ang ganda. Sobrang ganda. Kahit malakas ang ulan, hindi naitago ng mga ulap ang kagandahan ng kapaligiran ng islang ito.









Malamig ang tubig, sariwa ang hangin. Ang mga puno ang nagsilbing lilim sa ilalim ng ulan. Heto lang ata ang tanging summer outing na pinuntahan ko na umuulan. At eto rin lang ang tanging bakasyon ko na ang tanging trabaho ko lang ay kumain. Ang bagal ng oras. At ang nakakapagtaka, alas-tres pa lang pero parang gabi na! Nakatulog ako ng maaga. Ang malalakas na alon ay tila hele sa aking pandinig. Hindi ko na napansin ang sakit ng mga buhangin sa aking likuran. Salamat sa tent na napaka-ginhawang higaan.














Linggo ng umaga, tumila na din ang ulan. Mas lalo akong humanga sa ganda ng islang iyon. Pinakamaganda ito para sa akin. Kulang lang ang panahon. Salamat kay Lord, nakauwi kami ng maayos.

Pero siguradong babalik ako dito ngayong taon.


No comments:

Post a Comment