Nung bata pa lang ako, pinangarap ko na magiging doktor ako pag laki ko. Hawak ang laruang stethoscope, nagbibida-bidahan ako sa kunwaring pag-gamot ko sa mga kalaro ko. Nung makita ko na naglalaro ng baril barilan ang mga kapatid kong lalaki at natatalo nila ako, inisip kong maging pulis para makaganti ako sa kanila pag laki ko. Pero dahil malalakas sila, at kulang ang powers ng laser sword ni Shaider, naisip ko na lang maging isang ninja ghostbuster. Cool yun. Ano nga ba ang laban ng lumilipad na bala sa lumilipad na taong si Jet Li sa pelikulang Once Upon a Time in China. Parang tumalon lang si Jackie Chan ng walang double sa isa sa kanyang pelikula. O di naman kaya para madugo gagayahin ko ang stunts ni Rain sa pelikulang Ninja Assassin. Ang lufet!
Ngunit nung mapanood ko sa TV ang bidang artista na gumanap bilang titser napag-isip isip ko na mas mainam maging guro. Biglang nagunaw ang pangarap ko na maging doktor at walang gatol na pagsisisi ang nadama ko. Mga ilang buwan ko din naman ninais na maging isang guro. Sa katunayan pa nga, nagiging tutor ako ng mga kalaro ko sa mga assignments nila. Kaya madalas akong mapagalitan ng nanay ko. Paano kasi natapos ko ang homework ng kalaro ko pero ako walang tinapos. Bwahahaha. Pero nang tumuntong ako sa grade 4, tumibay ang pangarap ko na maging isang abogado. Uso kasi noon yung palabas na Ipaglaban Mo. Kaya ayun hanggang mag-kolehiyo ako, heto ang pangarap na gusto kong maabot.
Nakakatuwang isipin na sa mga nakaraang yugto ng aking buhay, ang dami ko palang pangarap na hindi ko binigyan ng pansin. Kasi parte ito ng aking kabataan. Wag lang ako malingat, may iba na akong gusto at pinapangarap. Masarap balik-balikan ang ganitong eksena ng buhay ko.
Madaming pangarap, libre lahat. Ang kalaban ko lang noon ay ang kabataan ko. Hindi ko man naabot ang isa sa mga pinangarap ko, masaya pa din ako dahil kahit papaano naging normal pala ako nung bata pa ko.
Sa pagbabalik tanaw ko sa nakaraang 30 taon ng aking buhay, dama ko ang sarap ng aking kabataan. Simple lahat. Libre lahat. Masarap gunitain ang mga nagdaang taon ng aking buhay. Salamat sa mga taong naging bahagi ng aking 30 taon. At ngayong malapit ng mawala ang edad ko sa kalendaryo, ano naman kaya ang magiging takbo at antas ng aking pamumuhay?
Nung isang buwan, sinabi ko na ililista ko ang lahat ng mga accomplishments ko. Pero nagahol ako sa panahon. Kaya mga blessings ko na lang ang isusulat ko.
1. Buhay pa din ako pagkatapos ng 30 taon. Thank you, Lord.
2. May trabaho pa din ako kahit reklamo ako ng reklamo.
3. Kumpleto pa din ang magulang ko kahit ang hirap nila palakihin.
4. Kumpleto din ang mga kapatid ko kahit hindi kami makumpleto sa mga pagtitipon.
5. May mga kamag-anak ako na nakakilala sa akin tuwing Pasko. Nagniningning tuloy ang Pasko ko kasi ang daming bibigyan ng aginaldo.
6. May bahay pa din akong tinutuluyan tuwing umuulan.
7. May bahay pa din akong tinutuluyan tuwing tag-araw.
8. Nakakain ako ng madami kaya ang taba ko.
9. Nakakainom din ako ng madami - tubig at alak pagsamahin mo na.
10. Nakakapanood ako ng korea novela at updated ako sa mga latest series.
11. Kahit matanda na si Garfield, mukha pa din syang bata. Kaya siya pa din ang paborito kong cartoon character.
12. Marunong ako magluto kaya madami din nabubusog at tumataba dahil sa akin.
13. May mga kaibigan akong tapat sa akin.
14. May mga kaibigan akong nangagamit sa akin - dahil sa kanila alam ko ang pakiramdam na maging uto-uto at di ko na ito uulitin pa.
15. Marunong ako mag-sulat kaya may blog page ako. Kahit konti ang follower ayos pa din yun.
16. Mataba ako kaya nauuna ako sa mga nag-uunahan makahanap ng masasakyan. Sorry na lang kung mabangga sila ng taba ko.
17. Maganda ako kasi wala namang baboy na hindi makinis ang balat. Lahat pa ng baboy ay babe sa paningin ng lahat.
18. Madaldal ako kaya walang nagpapatago ng lihim sa akin. Magkabukingan man, hindi ako ang sisisihin sa mga kasalanan.
19. Makulit ako kaya hindi ako inaasar ng ibang tao. Ayaw kasi nila maramdama ang ang kakulitan ko. Asarin man nila ako, nakakasiguro sila na ibabalik ko ng doble sa kanila iyon.
20. Blessing din sa akin ang malabong mata. At least kung may makasalubong ako na di ko gusto makita, maiisip nya na dahil malabo lang ang mga mata ko kaya di ko sya binati man lang.
21. Blessing din sa akin ang malinaw na pandinig. Dahil dito, kaya kong marinig ang mga chismis ng bayan. At dahil din dito kaya hindi ako mapag-tsismisan.
22. Blessing din ang pagiging matakaw. Kung hindi ito blessing, hindi ko isusulat ang number 8. (uy, babalikan nya ung number 8)..
23. Blessing din sa akin ang mga galit sa akin (kung meron man). Masaya paminsan-minsan na may kagalit ka. Para maramdaman mo na normal ang buhay.
24. Blessing din sa akin ang pagtanda. Nararamdaman ko na may deadline ang lahat ng bagay.
25. Blessing din ang pagsulat ng blog na ito kasi nagagamit ko ang konting brain na meron ako.
26. Blessing sa akin ang mga kamay ko -- bukod sa maganda ito -- nagiging instrumento ito ng pagsusulat ko.
27. Blessing ang mga paa ko. Hindi ko ata magagawa ang 1-26 ng hindi lumalakad o gumagalaw man lang.
28. Super blessing ang hindi pagtalikod ni Lord sa akin.
29. Super blessing na hindi Siya humihingi ng bargain sa mga kasalanan ko.
30. Super blessing ang pagmamahal ni Lord sa akin. I who is nothing and have nothing.
Nananabik ako sa magiging buhay ko sa hinaharap. Alam kong magiging makabuluhan ito, sa awa ni Lord.